Bagong sampaguita plantation, handog ng P.A. Properties
Agriculture

Bagong sampaguita plantation, handog ng P.A. Properties

May 13, 2024, 5:23 AM
Catherine Go

Catherine Go

Writer/Photographer

Tiyak na ang muling pag-usbong ng mga sampaguita sa lungsod ng San Pedro.

Ito ang siniguro ng pamahalaang lungsod ng San Pedro matapos isagawa ang turnover ceremony at sampaguita-planting activity sa St. Joseph Village, Barangay Langgam noong Sabado, May 4, kasabay ng pagdiriwang ng lungsod ng Sampaguita Festival.


Pinangunahan ng City Agriculture Office sa pamumuno ni Engr. King Layola at City Administrator Atty. Henry Salazar ang pagtatanim ng sampaguita sa 2.2-ektaryang lupa na idinonate ng P.A. Properties, Inc., sa pangunguna naman ni Director Jules Peter Alvarez.


Layunin ng naturang programa na muling buhayin ang pagtatanim ng sampaguita sa San Pedro City, bagay na naunsyami sa nakalipas na mga taon bunsod ng pag-usbong ng mga residential at industrial complex sa lungsod.


Ang malawakang pagtatanim ng sampaguita sa San Pedro ay makatutulong rin anila upang bumaba ang presyo ng mga bulaklak ng sampaguita sa mga "bagsakan" sa lungsod.


Ayon kay Joren Reyes, Assistant Vice President for Property Management ng P.A. Properties, ang naturang proyekto ay isang sariling inisiyatibo ng real estate developer bilang tulong na rin sa mga hakbangin ng pamahalaang lungsod na muling buhayin ang sampaguita industry sa San Pedro City.


"Ito pong lupain na ito ang siyang pinakamalapit na 'idle land' na na-identify po ng P.A. Properties na pwede pong ma-convert into a sampaguita plantation," pahayag ni Reyes sa isang panayam sa OpinYon Laguna.


Umaasa naman si Reyes na makaka-engganyo ang naturang hakbang sa iba pang mga malalaking negosyo sa lungsod na mag-donate rin ng espasyo para sa pagtatanim ng sampaguita.


"This is something that other companies [in San Pedro City] should emulate. We are hoping that in the near future, kapag naging successful ang sampaguita plantation sa area na ito, makikita nila ito at tutularan nila, give their share," aniya.


Ang P.A. Properties ang isa sa mga pinakamalaking real estate developer sa Pilipinas, kung saan nakapagtayo na sila ng humigit-kumulang 20,000 housing units sa Luzon. Kinilala rin ang naturang kumpanya noong 2018 bilang isa sa mga Top 100 Taxpayers sa lungsod ng San Pedro.

#WeTakeAStand #OpinYon #PAProperties #SampaguitaPlantation


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.