Bagong obispo ng Diocese of San Pablo, itinalaga
Catholic Church

Bagong obispo ng Diocese of San Pablo, itinalaga

Nov 27, 2024, 1:43 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Pormal nang itinalaga bilang bagong Arsobispo ng Diocese of San Pablo si Bishop Marcelino Antonio Maralit, Jr. noong nakaraang Huwebes, November 21.

Pinangunahan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang pagtatalaga kay Bishop Maralit sa isang Banal na Misa na ginanap sa Cathedral Parish of St. Paul the First Hermit sa San Pablo City, Laguna.

Nakiisa rin sa nasabing pagtatalaga ang 30 mga obispo, kabilang na sina Cardinal Gaudencio Rosales, archbishop emeritus ng Diocese of Manila; Archbishop Ryan Jimenez, na nakabase naman sa Agaña, Guam; at Bishop Emeritus Leo Drona, na nagsilbi ring Obispo ng Diocese of San Pablo.

Sa kanyang naging sermon, hinikayat ni Bishop Maralit ang mga Katolikong Lagunense na paigtingin ang mga personal na relasyon sa pagitan ng Diyos at ng kapwa.

“My brother priests in the diocese, it is my hope that together we will begin to create better relationships… a community that brings hope, a community that brings love,” aniya.

Samantala, sa isang civic reception na ginanap bago ang kanyang pagtatalaga noong November 20, hinimok rin ng bagong obispo ang mga lokal na opisyal sa lalawigan ng Laguna na maging "tulay" sa Diyos sa pamamagitan ng tapat na paglilingkod sa bayan.

“My being a bishop is a bridge, or at least a reminder, that the most important relationship we should develop, whether in the Church or in government, is first with God,” pahayag ni Maralit.

Matatandaang naging sede vacante ang Diocese of San Pablo matapos magbitiw sa kanyang tungkulin ang dating Obispo na si Bishop Buenaventura Famadico noong September 2023.

Pansamantalang naging apostolic administrator ng diyosesis si Bishop Mylo Hubert Vergara ng Diocese of Pasig hanggang sa italaga ni Pope Francis bilang bagong pinuno si Maralit, na naunang nagsilbi bilang Obispo ng Diocese of Boac sa Marinqudue, nitong nakaraang Setyembre.

Pangungunahan ngayon ng 55-anyos na si Maralit ang isa sa pinakamalaking diyosesis ng Simbahang Katolika sa Pilipinas, na may 91 parokya, 140 diocesan priests, at aabot sa 4 milyong mananampalataya.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #CatholicChurch


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.