Bagong kanlungan ng kabataan sa Biñan
PSA

Bagong kanlungan ng kabataan sa Biñan

Oct 21, 2025, 3:18 AM
Catherine Go and Christian Magdaraog

Catherine Go and Christian Magdaraog

News Reporter

Kailan ka huling nakapagbasa ng libro?

Ayon sa huling ulat ng Philippine Statistics Authority (2024), pito sa bawat 100 Pilipino edad 5 pataas ang kinapos sa kakayahang makapagbasa at makapagsulat o maitatawag na illiterate.

Ang suliranin sa pagbasa’t pagsulat ay kadikit na sa buhay ng mga Pilipino, partikular sa sikmura ng mga maralita.

Kaya naman labis ang pagkilala ng lokal na pamahalaan Biñan City, Laguna na matugunan ang pagkukulang sa pamamagitan ng muling pagbubukas ng pampublikong aklatan ng lungsod.

Sinalubong ng pananabik ang isinagawang blessing sa bagong Biñan City Studies Center noong October 8, sa Sentrong Pangkultura ng Biñan, bilang unang hakbang upang mailapit muli sa mga tao ang sigla sa pagbabasa’t pagsusulat.

Bukas para sa anumang edad ang nasabing aklatan na maituturing na “learning hub” dahil sa dami ng alok nitong serbisyo.

Bukod sa mga aklat ay may libreng access rin sa mga kompyuter at Internet.

Maaari itong gamitin para sa pagre-rebyu, study groups at iba pang mga aktibidad ng mga mag-aaral mula day care hanggang kolehiyo.

Edukasyon ang isa sa mga prayoridad ni Biñan City Mayor Angelo Alonte, kaya naman itinuturing niyang malaking tagumpay ang paglunsad ng Biñan City Studies Center dahil sa dala nitong ginhawa.

“Nakatutuwa po itong proyekto na ito dahil bago po bumaba ang ating mahal na Mayor Arman Dimaguila, at bago siya maging congressman, talagang ito po yung isang ginawa niyang programa. Dahil alam naman po natin, ang library po ay makakatulong para sa ating mga kabataan. Dahil ang advocacy po ng ating mahal ng Congressman Arman Dimaguila ay edukasyon. Kasama rin po kami ni Vice Mayor Dada Reyes para po sa edukasyon,” paglalahad ni Alonte.

Masaya namang ibinalita ni Biñan City Representative Arman Dimaguila na hindi dito nagtatapos ang pagpapayabong nila sa sektor ng edukasyon sa lungsod.

“Yung pinangako natin na college, yung pinangako natin na mga kalsadang naapektuhan dahil sa pagbaha. Meron kami niluluto, Mayor Gel. Excited kami sa October 20,” ayon sa kongresista.

Dagdag ni Alonte, makakaasa ang mga Biñanense na maitatayo ang Biñan City College bago matapos ang kaniyang termino, upang hindi na mawalan ng opsyon ang mga mag-aaral lalo ang mga kapos sa buhay.

Dagdag ni Alonte, makakaasa ang mga Biñanense na maitatayo ang Biñan City College bago matapos ang kaniyang termino, upang hindi na mawalan ng opsyon ang mga mag-aaral lalo ang mga kapos sa buhay.

Hiling naman ni National Library of the Philippines Assistant Director Edgardo Quiros na mas dumami pa ang mga aklatan para sa kapakanan ng mga kabataan.

“Ang library, serbisyo sa bayan; serbisyo namin sa mga constituents namin; pamana namin ang edukasyon. At ang paraan namin para matulungan ang ating mga kabataan ay sa pamamagitan ng library,” paliwanag ni Quiros.

Ayon kay Biñan City Culture, History, Arts and Tourism Office (BCHATO) head BJ Borja, nakatakdang magsimula ang operasyon ng Biñan City Studies Center sa darating na November 3.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #BiñanLGU


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.