Bagong commercial center sa Tiaong
Quezon

Bagong commercial center sa Tiaong

Apr 30, 2026, 7:48 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Dagdag na oportunidad para sa negosyo at trabaho sa Tiaong, Quezon.

Ito ang inaasahan ng lokal na pamahalaan kasabay ng paglulunsad ng The Central at Villa Escudero, isang bagong commercial development sa nasabing bayan.


Pinangunahan ng Villa Escudero Corporation (VESCO), sa pamumuno ni Rosalie Escudero, ang groundbreaking ceremony sa Barangay Lalig noong Miyerkules, April 22.


Ang proyekto ay nakatuon sa pagtatatag ng isang modernong mixed-use complex na magsisilbing mahalagang sentro ng kalakalan, serbisyo at negosyo na mag-uugnay sa mga karatig-lalawigan ng Quezon at Laguna.


Ang proyekto ay matatagpuan sa kahabaan ng Maharlika Highway, at inaasahang magkakaroon ito ng direktang koneksyon sa ginagawang SLEX Toll Road 4 na inaasahang mas mapapadali ng galaw ng transportasyon, kalakalan, at logistics sa nasabing koridor.


Ayon sa mga tagapagtaguyod, maghahatid ang proyekto ng dagdag na hanapbuhay, magbibigay ng mas maraming puwang para sa mga negosyante, at magpapasigla sa turismo at lokal na ekonomiya ng Tiaong at mga kalapit na lugar.


Isinabay ang naturang aktibidad sa paggunita ng Earth Day, bilang pagpapakita ng pangako ng kumpanya sa pagpapatupad ng makakalikasan at responsableng pag-unlad.


Dumalo rin sa nasabing programa ang mga kinatawan ng lokal na pamahalaan na nagpahayag ng kanilang buong suporta, sa pangunguna ni Mayor Vincent Arjay Mea, kasama si Vice Mayor William Razon at mga miyembro ng Sangguniang Bayan.


Nakiisa rin sa nasabing okasyon si Quezon Governor Angelina "Doktora Helen" Tan at 2nd District Board Member Doc Kim Tan, gayundin si San Pablo City, Laguna Mayor Najie Gapangada.


Sa kabuuan, inaasahang magiging mahalagang hakbang ang proyektong ito sa pagpapalawak ng pamumuhunan at pagpapaigting ng inklusibong pag-unlad sa bayan ng Tiaong.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.