Hindi dapat malantad ang mga musmos sa maagang pagbabanat ng buto. Ito ang mensahe ng Department of Labor and Employment (DOLE) Laguna Provincial Office sa muli nitong pagsasagawa ng Project Angel Tree Gift-Giving Activity noong Biyernes, July 19, sa Calamba City.
Sa ilalim ng naturang programa na nilahukan rin ng Laguna Industrial Peace Council Inc., 120 dating child laborers ang nabigyan ng iba’t ibang tulong at regalo habang 25 pamilya naman mula sa bayan ng Paete ang nabigyan ng carinderia livelihood project sa pagtutulungan ng DOLE at LIPCI.
Dinaluhan ang programa nina DOLE Laguna Provincial Director Guido Recio, Paete Mayor Ronald Cosico, kinatawan nina Rep. Ruth Mariano Hernandez at Calamba City Mayor Roseller Rizal, Laguna Provincial Public Employment Service Office Head Jane Corcuera, mga opisyal ng LIPCI sa pangunguna nina Vice Chair for Labor Manny Quizon at Vice Chair for Management John Joseph Cano, at mga ahensya ng pamahalaan na katuwang sa inisyatibo.
Ayon sa DOLE, layunin ng naturang taunang proyekto mapabuti ang kalagayang pang-ekonomiya ng mga pamilya upang hindi na mapilitan pang magtrabaho ang kani-kanilang mga anak upang may maipantustos sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.
Ang nasabing programa ay bahagi ng Child Labor Prevention and Elimination Program (CLPEP) na layong itaas ang kamalayan ng mga kabataan tungkol sa kahalagahan ng pagsugpo sa child labor at tiyakin na makakamit nila ang kanilang karapatan sa edukasyon at ligtas na pagkabata.
Inilunsad din sa programa ang “Balik Eskuwela Bagong Pag-asa Program” na may layong magbigay ng suportang pinansyal at scholarship program para sa mga kabataan upang makabalik sila sa kanilang pag-aaral.
“Hindi lang ito para sa mga hindi nakakapag-aral kundi i-sustain at pagtapusin kayo at tiyakin ng programang ito makakapagtapos kayo at least Senior High School, at kami bilang nakakatanda, pipilitin naming tulungan kayo sa pamamagitan ng programang ito,” mensahe ni Vergel Rapin, Committee Chair ng Project Angel Tree 2024.
(Ulat mula sa PIA Laguna/OpinYon News Team)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #DOLE #ProjectAngelTree2024