Umaasa ang Philippine Red Cross (PRC) na matutugunan ng bagong blood bank sa bayan ng Siniloan, Laguna ang isyu sa kakulangan sa suplay ng dugo sa lalawigan.
Pinangunahan ni PRC Chairman and CEO Richard Gordon, kasama si Laguna Governor Sol Aragones at iba pang mga opisyal, ang pagbubukas ng bagong blood collection unit station kamakailan.
Ito na ang ikaapat na blood collection unit station ng PRC sa lalawigan ng Laguna.
Ang nasabing pasilidad ay may kapasidad na 800 blood bags at kayang mag-suplay ng dugo hindi lamang sa ikaapat na distrito ng Laguna kundi pati na rin sa mga karating na lugar sa Rizal at Quezon provinces.
“Ngayon, mayroon na tayo sa Eastern part of Laguna na isang Blood Bank Chapter na Branch na makakatulong sa lahat, sa safety, kapag may disaster na kailangan ng dugo sa mga ospital ng mga tao, madali na kayong makakatawag. Ang signification nito ay hindi lang yung building, ang signification niyo ay yung pagbibigay buhay ng mga taong nagdonate,” pahayag ni Gordon.
Mahalaga ang pagbubukas ng nasabing blood bank sa mga residente ng ikaapat na distrito ng Laguna, na sa kasalukuyan ay malayo pa rin sa mga malalaking ospital sa rehiyon.
Umaasa rin ang PRC na mahihikayat nila ang mga Lagunense na magdonate ng kanilang dugo.
Inanunsyo naman ni Gordon na ang mga mahihirap na pasyenteng mangangailangan ng dugo ay maaaring makakuha ng libreng supply sa PRC sa pamamagitan ng pagpapa-rehistro sa Samaritan Fund.
(Ulat mula sa Philippine Information Agency)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

