Higit pa sa papier mache o nililok na kahoy ang kayang itampok ng arts community sa Laguna.
Kasabay ng pagdiriwang ng National Arts Month sa buwan ng Pebrero, puspusan na ang mga lokal na pamahalaan sa lalawigan na itanghal ang kanilang sariling mga local artist.
Sa bayan ng Pila, binuksan ng pamahalaang bayan, katuwang ang Pila Sinag Artist Guild, ang bagong “V Gallery” noong Sabado, February 21.
Dito, buhay na buhay ang makulay nilang larangan ng sining sa nasabing bayan.
Higit na mas naging makabuluhan ito dahil isang ancestral house – ang Corazon Rivera Ancestral House – ang pinili nila upang maging gallery.
Nakadagdag ang kagandahan ng sinaunang bahay sa mga tampok na sining.
Matatagpuan dito ang ilan lamang sa obrang gawa ng mga lokal na artista na nagpapakita sa yamang taglay ng kanilang kasaysayan at kultura.
Kasabay ng pagbubukas ng naturang art gallery ay ang panunumpa sa tungkulin ng mga bagong opsiyal ng Pila Tourism Council.
Inaasahan sa kanilang pagkakaluklok ay maisasakatuparan nila ang mga programang tutulong upang mapalakas at makilala ang natatanging yaman ng kanilang bayan.
Inaanyayahan naman ng Pila Tourism Culture and Arts Office ang lahat na bisitahin ang “V Gallery” upang tunghayan at damhin ang mga kulay, kuwento, at inspirasyong binibigyang-buhat sa pamamagitan ng sining.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

