Babalik Na Sa Dating School Calendar
DepEd

Babalik Na Sa Dating School Calendar

Apr 8, 2024, 7:19 AM
Opinyon Batangas News Team

Opinyon Batangas News Team

Writer

BATANGAS CITY — Upang muling ma-enjoy ng mga bata sa dati nilang summer activities, unti-unti nang ibabalik ng Department of Education (DepEd) ang dating iskedyul ng pagbubukas ng klase at ito ay lubusang sinususugan ni Dr. Jimmy Panganiban, Batangas City Schools Superintendent.

Ang kasalukuyang kalendaryo ay nakasaad sa DepEd Order No. 003 na nagtatakda na ang simula ng klase para sa school year 2024-2025 ay sa July 29, 2024 at magtatapos sa May 16, 2025.

Ayon din dito, ang kasalukuyang school year (2023-2024) ay maagang magtatapos at itinakda sa May 31 sa halip na June 14.

Layunin ng DepEd na maihanda sa pagbabalik sa dating school calendar ang mga mag-aaral, mga guro at school personnel.

Ito ay bunsod ng kahilingan ng mga magulang na ibalik na sa dati ang iskedyul ng klase dahil sa nararanasang init sa mga silid aralan ng mga mag-aaral tuwing tag-init.

Magugunita na nagbago ang buwan ng pasukan at bakasyon ng mga estudyante nang dahil sa tag-ulan.

Ayon kay Panganiban, bagamat apektado ang number of school days ng mga mag-aaral, hindi naman aniya naapektuhan ang learning competencies ng mga ito.

Idinagdag pa niya na dahil sa matinding init, nagkakaroon ng suspension ng face to face classes kung kayat modular ang paraang ginagamit sa pag-tuturo ng mga guro.

Dahil aniya sa pagbabalik ng dating schedule ng klase, magkakaroon ng pagkakataon ang mga kabataan na makalahok sa ibat-ibang summer activities na walang inaalalang klase.

Hiniling din ni Panganiban na, sa ngayon, ay huwag palibanin ng mga magulang ang kanilang mga anak na kasalukuyang nag-aaral upang magamit ng husto ang mga natitirang araw sa pagpasok.

Sinabi din ni Panganiban na huwag mangamba ang mga magulang sa pagbabagong isasagawa ng DepEd gayundin ang mga guro sapagkat hangad ng kagawaran na mapangalagaan ang kanilang kapakanan.

#WeTakeAStand #OpinYon #SchoolYear2024 #DepEd


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.