Babaeng nanita ng adik, sinaksak
OpinYon Laguna

Babaeng nanita ng adik, sinaksak

Jun 30, 2025, 3:27 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Isang babae ang sinaksak ng isang lalaking nahulihan niyang gumagamit ng iligal na droga sa Calamba City, Laguna nitong nakaraang Sabado, June 21.

Nagpapagaling ngayon sa ospital ang biktima na kinilalang si alyas "Jacquelyn," 43 anyos at residente ng Barangay San Cristobal ng naturang lungsod.

Lumitaw sa inisyal na pagsisiyasat ng Calamba City Police Station na naganap ang insidente habang nakikipag-inuman ang biktima kasama ang suspek na kinilalang si alyas "Ambo," 53 anyos, driver at residente rin ng nasabing barangay.

Nang magpunta sa loob ng restroom ang suspek ay naghinala ang biktima na gumagamit ng bawal na gamot si "Ambo."

Kaagad na binuksan ni "Jacquelyn" ang pinto ng CR at doon nga niya naaktuhan ang suspek na may hawak na iligal na droga.

Nagkaroon umano ng pagtatalo ang dalawa hanggang sa nagpasya si "Jacquelyn" na isuplong sa mga awtoridad ang suspek.

Ngunit habang papunta ang biktima sa barangay hall ay hinabol umano siya ni "Ambo" at binangga ng motorsiklo nito.

Nagtangkang tumakas ang biktima ngunit hinabol siya ng saksak ng suspek, dahilan upang magtamo siya ng sugat sa kanyang dibdib.

Kaagad isinugod sa ospital ang biktima habang nadakip naman sa follow-up operation si "Ambo" sa kanyang tahanan.

Nakadetine na ngayon sa Calamba City Police Station si "Ambo" habang inihahanda ang kasong frustrated homicide laban sa kanya.

(Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)


#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.