Patay ang isang panadero matapos pagbabarilin ng isang security guard sa loob ng isang subdivision sa Santa Rosa City, Laguna nitong nakaraang Linggo, June 8.
Hindi na umabot pa ng buhay sa ospital ang biktima na kinilalang si alyas "Aldrin," 26 anyos at residente ng Barangay Dila, Santa Rosa City, Laguna.
Ayon sa kwento ng mga saksi, naganap ang insidente malapit sa panaderya na pinagtatrabahuhan ng biktima sa Barangay Malitlit pasado alas-siyete ng umaga ng Linggo.
Kahahatid lamang umano ng biktima sa kanyang mga katrabaho gamit ang kanyang traysikel nang bigla siyang lapitan at pagbabarilin ng suspek na kinilala lamang sa alyas "Ronald," nasa 30 anyos at security guard ng naturang subdivision.
Isang saksi ang kaagad humingi ng tulong sa mga barangay tanod na siya namang nagtawag ng rescue team para maitakbo sa ospital si "Aldrin," ngunit hindi na rin siya umabot nang buhay dahil sa tama ng bala sa likod ng ulo nito.
Ayon sa mga katrabaho ng biktima, posibleng nag-ugat ang krimen sa usapin ng gate passes sa loob ng subdivision.
Bago naganap ang pamamaril ay malimit na umanong nagtatalo ang suspek at biktima ukol sa bayarin ng huli sa gate pass para sa kanyang traysikel.
Isang manhunt operation na ang ikinasa ng Santa Rosa City Police upang madakip si "Ronald" na kaagad tumakas matapos ang krimen.
(Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews