Kasabay ng pagdiriwang ng Museums and Galleries Month ngayong buwan ng Oktubre, inihayag kamakailan ng pamahalaang lungsod ng San Pablo City ang paglulunsad ng programang “ARTSTRAVAGANZA.”
Layunin nito na ipagmalaki ang taglay na yaman sa sining at kultura ng naturang lungsod upang pagtibayin ang pagkakakilanlan nito bilang “City of Arts” sa Timog Katagalugan.
Ang nasabing programa ay mungkahi nina San Pablo City Mayor Najie Gapangada, Jr. at City Tourism Officer for Special Projects An Mercado Alcantara, kasama ang San Pablo Art Circuit (SaPAC).
Tatakbo mula Oktubre 4 hanggang 30 ang selebrasyon.
Abangan ang mga sabayang exhibits, art shows, at mga programang pangkultura para naman sa mga kalahok na galleries, kabilang ang Casa San Pablo, Color Commune, Sulyap Gallery, Art Corridor, Komikero Komiks Museum, Villa Escudero, Paraiso de Avedad, Verbena Gallery, Lakehouse, at Studio 88 sa bayan ng Nagcarlan.
Itatampok din sa unang araw ang pagpapasinaya sa kilalang Fule-Malvar Mansion bilang heritage site, para sa pagiging sagisag nito sa sining at kultura ng lungsod.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #ARTStravaganza