Aral ng Suntay Incident ngayong Women's Month
PERSPECTIVE

Aral ng Suntay Incident ngayong Women's Month

Mar 12, 2026, 6:59 AM
Sol Luzano

Sol Luzano

Writer

Tampok ngayon sa mga balita ang hindi inaasahang pahayag ni Quezon City ika-4 Distrito Rep. Bong Suntay sa gitna ng pormal na pagdinig ng House Committee on Justice para sa impeachment laban kay Bise Presidente Sara Duterte. Sa halip na tumuon sa seryosong usapin ng pananagutan ng isang mataas na opisyal ng gobyerno, napalayo ang usapan nang bigla niyang ikuwento ang personal na karanasan at imahinasyon niya ukol sa PNP isang sikat na aktres.

Sa mismong sesyon, sinabi ni Suntay:

“Minsan nasa Shangri-La ako, nakita ko si Anne Curtis, ang ganda-ganda pala niya… May desire sa loob ko na nag-init talaga at na-imagine ko na lang kung anong puwedeng mangyari pero siyempre hanggang imagination na lang ‘yon,” dagdag pa niya, “‘di naman siguro ako puwedeng kasuhan dahil kung ano-ano ‘yong na-imagine ko.”


Sa gitna ng pagdiriwang ng National Women’s Month, mas nagiging mahalagang paalala ang insidenteng ito ng paggalang sa mga kababaihan — hindi lamang sa mga salita kundi sa kilos at pag-uugali, lalo na sa mga pampublikong opisyal na tinitingala ng sambayanan. Ang mga pahayag na may bahid ng “init ng katawan” ay personal na bagay, at hindi kailanman nararapat na gawing paksa ng opisyal na deliberasyon o isapubliko, lalo na kung ito ay naglalantad ng kababaihan sa hindi nararapat na atensyon.


Hindi bago ang mga off-topic remarks sa pulitika, ngunit ang ganitong uri ng pahayag — lalo na kung may kakabit na kawalang-galang — ay nagsisilbing paalala kung bakit kailangang paigtingin ang disiplina at paggalang sa kapwa, lalo na ngayong kinikilala at pinapahalagahan natin ang papel ng kababaihan sa lipunan. Hindi ito usapin ng pagiging “totoo sa sarili,” kundi ng paggalang sa proseso, sa kapwa opisyal, at sa taumbayan na umaasa ng matinong deliberasyon.


Tama lamang ang naging hakbang ng komite na alisin sa opisyal na talaan ang mga pahayag ni Suntay. Higit pa riyan, ito ay paalala na ang bawat salita at kilos ng mga mambabatas ay may bigat at pananagutan, lalo’t sila ang huwaran ng disiplina at propesyonalismo sa mata ng publiko.


Hindi rin sapat ang palusot na “nagsasabi lang ng totoo.” Sa mga pagtitipon ng Kongreso, inaasahan ang kawastuhan, pag-iingat, at pagtuon sa isyu. Katulad ng sinabi ng isang hindi nagpakilalang mambabatas, “Ang mga deliberasyon ng impeachment ay seryosong gawain.” Dapat itong manatiling ganito, nang hindi napapasok ng mga personal na kwento o anumang di-akma na biro o obserbasyon.


Ayon sa opisina ng Speaker, hinihikayat ang lahat ng mambabatas na igalang ang proseso at tiyakin na ang bawat pahayag ay may kaugnayan sa usaping tinatalakay. Isa itong paalala na sa bawat pagkakataon, ang respeto sa proseso ay respeto na rin sa sambayanan.


Ngayong Women's Month, nawa’y magsilbing aral ang insidenteng ito na ang paggalang sa kababaihan ay hindi lamang ipinagdiriwang, kundi isinasabuhay — sa salita, sa aksyon, at sa bawat pulong ng pamahalaan. Sa huli, ang mga bulwagan ng kapangyarihan ay dapat magsilbing huwaran ng dangal, integridad, at tunay na serbisyo sa bayan.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.