Narito na ang pinakahihintay ng mga estudyanteng Lagunense: bubuksan na ang aplikasyon para sa “Iskolar ng Laguna” program ng pamahalaang panlalawigan.
Sa isang Facebook live video noong Huwebes, October 30, inilabas na ni Laguna Governor Sol Aragones ang mga guidelines at iba pang paalala para sa mga nais makapasok sa panibgong batch ng mga mabibigyan ng educational assistance sa ilalim ng “Iskolar ng Laguna” program.
Nakatakda na sa November 10 hanggang 14 (Lunes hanggang Biyernes) ang online registration para sa mga nais kumuha ng scholarship.
Magsisimula naman ng November 24, 2025 hanggang January 23, 2026 ang magiging online qualifying exam, kung saan sasailalim ang mga estudyante sa isang pagsusulit upang pumasa sa scholarship program.
Kabilang sa mga mahalagang dokumento na kailangan upang makapag-exam ay isang College/University ID o anumang valid ID ng estudyante (National ID, PWD, Postal ID, NBI clearance, Barangay ID, Voter’s ID, Voter’s Certificate, Philhealth ID, UMID); at ang Voter’s ID o Voter’s Certificate ng estudyante o magulang.
Samantala, inilabas na rin ni Aragones ang mga technical requirement sa online qualifying exam.
Kabilang dito ang pagkakaroon ng sariling computer o laptop, Zoom application, maayos na internet connection, headset o speaker at microphone, at malinaw na webcam.
Bukas ang nasabing scholarship para sa lahat ng residente ng Laguna na: isang taon nang naninirahan sa lalawigan, rehistradong botante o ang magulang sa nasabing Laguna, estudyante sa kolehiyo, hindi recipient ng ibang financial assistance program ng gobyerno, at nag-iisang benepisyaryo sa kanilang pamilya.
Maaaring magparehistro ang mga estudyante sa website na ito: iskolar-exam.laguna.gov.ph .
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #IskolarNgLaguna

