Aplikasyon para sa Biñan National Choral Festival, binuksan na
OpinYon Laguna

Aplikasyon para sa Biñan National Choral Festival, binuksan na

Dec 29, 2025, 7:29 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Muling magniningning ang nagkakaisang tinig ng iba't ibang mga choral group sa nalalapit na 9th Biñan National Choral Festival!

Sa isang anunsyo noong Huwebes, December 18, inihayag ng Biñan City Culture, History, Arts and Tourism Office (BCHATO) na muling magbubukas ang aplikasyon para sa nasabing patimpalak na gaganapin sa darating na Pebrero 2026.


"Muling magiging tagpuan ang Lungsod ng Biñan ng mga tinig na nagkakaisa para sa isang pagdiriwang ng husay, harmoniya, pagmamahal sa musikang Pilipino at bagong simula. Sa bawat awit, binibigyang-buhay natin ang kultura at pagkakakilanlan ng sambayanan," pahayag ng BCHATO sa kanilang Facebook page.


Bukas ang kompetisyon sa mga choir group hindi lamang sa Biñan City kundi sa buong Pilipinas.


Anuman ang edad o pinanggalingan ng grupo - school-based, church-based, o community-based - na binuo nang hindi bababa sa dalawang taon ay maaaring lumahok, hangga't hindi lalagpas ng 16 hanggang 30 kasapi.


Dalawang piyesa ang kailangang i-perform ng mga grupo: isang "choice piece" sa wikang Filipino o Ingles na nakasentro sa temang "Bagong Simula," at isang contest piece na ibibigay sa mga finalist kapag nakumpirma na ang pagpasok nila sa nasabing kumpetisyon.


Maaaring magparehistro ang mga nais sumabak sa link na ito: https://bit.ly/BNCF2026


Gaganapin ang finals ng 9th Biñan National Choral Festival sa Sentrong Pangkultura ng Biñan sa darating na February 2, 2026 (Lunes).

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.