Ang ‘floral sapin-sapin’ ng Sampaloc, Quezon
Quezon

Ang ‘floral sapin-sapin’ ng Sampaloc, Quezon

Aug 24, 2021, 7:45 AM
Annadel Gob

Annadel Gob

Writer

Para kay Adoravie Jardin ng Sampaloc, Quezon, isang blessing din ang pandemya sapagkat nadoble ang kaniyang kita kahit nasa bahay lamang siya.

SAMPALOC, Quezon – Mula sa simpleng ayos ng sapin-sapin, napagpasyahan ni Adoravie Jardin ng bayang ito na i-level up ang karaniwang bilao ng kakanin.

Ayon kay Adoravie, natuto siyang magluto ng sapin-sapin mula sa kaniyang mga magulang.

“Ang mga magulang ko ay nagluluto at nagtitinda ng sapin-sapin sa palengke. Ito na ang kinamulatan kong pagkakitaan,” aniya.

Dati na siyang nagbebenta ng kakanin sa palengke ng Sampaloc bago ang pandemya, ngunit hindi siya kumikita nang malaki.

Ito ang dahilan kung bakit napagpasyahan niyang i-level up ang ayos ng kanyang sapin-sapin, na nakadisenyong parang bulaklak.

photo by Adoravie's Kakanin, Facebook

photo by Adoravie's Kakanin, Facebook

"Last year po may nakita ako sa isang pahina ng assorted kakanin na simple lang ang presentasyon, hanggang sa naisip ko gawin kong makulay ang sapin-sapin ko para maging kaakit-akit at mabenta," dagdag niya.

Ani Adoravie, isang blessing din ang pandemya sapagkat nadoble ang kaniyang kita kahit nasa bahay lamang siya.

“Since last year ko po ginawa ang aking Floral Sapin-sapin at nung nag-lockdown, doon po na doble ang mga order. Mas na-inspire po ako gumawa ng mas madaming design at gumanda po ang benta ko,” dagdag pa niya.
“Isang fulfillment sa akin na nakapag-ayos ako ng Floral Sapin-sapin dahil may itinatago pala akongtalent sa art,” nakangiting pahayag niya.

“Katulong ko ang aking asawa, mga anak at mga kaibigan ng aking mga anak sa pagluluto lalong-lalo na kapag peak season o may okasyon ngunit pinananatiling sekreto ang resipe na nagmula pa sa aking mga mgulang.”

Mayroon na rin aniyang mga gumagaya sa ayos at kulay ng kanyang sapin-sapin, ngunit tunay ngang “walang tatalo sa orihinal” dahil hindi nila makuha ang saktong ganda at tingkad ng mga kulay.

Sa kasalukuyan, pinag--iisipan na niya ang pag-expand ng kanilang negosyo sa mga karatig bayan sa lalawigan ng Quezon.

Tags: #OpinYonQuezonin, #featurestory, #food, #sapinsapin, #AdoravieJardin


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.