Milyon-milyong pisong halaga ng mga gamit ang napaulat na tinangay mula sa isang ancestral house sa Rizal, Laguna noong December 6.
Ayon sa ulat ng Rizal Municipal Police Station, dakong 1:30 ng hapon ng December 6 nang iulat sa kanilang himpilan ni alyas "Lorena," 52 anyos, ang naturang insidente ng pagnanakaw sa kanilang ancestral house sa Barangay Laguan ng nasabing bayan.
Bukod sa iba't ibang mga kagamitan ay tinangay umano ng mga kawatan ang aabot sa 40 obra maestra ng mga kilalang pintor gaya ng National Artist na si Vicente Manansala, na aabot sa P3 milyon ang halaga, gayundin ang iba't ibang mga antigo na nagkakahalaga ng P200,000.
Maging ang tatlong mountain bike at isang owner-type jeep na nakaparada sa nasabing bahay ay hindi rin pinalagpas ng mga magnanakaw.
Sa pagtaya ng mga awtoridad ay aabot sa P3.9 milyon ang kabuuang halaga ng mga tinangay na gamit sa naturang ancestral house.
Dalawang suspek na kinilalang sina alyas "Donald" at alyas "Alfredo" ang itinuturong posibleng nasa likod ng panloloob.
Ayon sa mga residenteng nakatira malapit sa naturang bahay, ilang ulit umanong naglabas-masok sa nasabing lugar ang dalawang suspek na may dala-dalang mga gamit.
Pinaghahanap na ng pulisya ang mga suspek na nahaharap sa kasong robbery.
(Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews
