Matagal nang ginagawang "shortcut" ng mga motorista sa San Pedro City, Laguna ang mga daan sa Elvinda Subdivision sa Barangay Fatima, gayundin ang mga inner road sa Barangays Pacita 1 and 2, bilang mga alternatibong ruta upang makaiwas sa traffic sa National Highway.
Ngayon, opisyal nang idineklara ng pamahalaang lungsod ang ilang mga daan sa naturang mga barangay bilang alternative routes sa ilalim ng "City Alternative Routes Bypass System (CARBS)."
Sa bisa ng City Ordinance No. 2023-02 na sinimulang ipatupad noong nakaraang Setyembre, na-designate bilang alternatibong ruta ang Crismor Avenue, Champaca Street at Escarlata Street sa Barangay Fatima; Lavander Lane, Rainbow Avenue at Orange Drive sa Barangay Pacita 2; at 3rd Street at 18th Street sa Barangay Pacita 1 para sa mga motoristang papuntang Pacita 1, Chrysanthemum, Rosario, at Southwoods papasok ng South Luzon Expressway (SLEX).
Alternative traffic routes, binuksan sa San Pedro City
Samantala, ipapatupad naman ang one-way scheme para sa mga motoristang manggagaling sa Elvinda Subdivision papuntang Pacita 2 at vice-versa.
Ang mga sasakyan na papuntang Pacita 2 ay kailangang dumaan sa Lavander Lane, habang ang mga sasakyang papuntang Elvinda Subdivision ay dadaan naman sa Escarlata St.
Layunin ng naturang ordinansa na mabawasan ang problema sa trapiko, lalo na sa kahabaan ng National Highway, at mabigyan ng maayos na alternatibong ruta ang mga motoristang dumadaan sa naturang lungsod.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #AlternateRoutes