Isang magnanakaw ang kaagad nahuli sa tulong ng CCTV camera sa Santa Rosa City, Laguna noong Lunes, June 8.
Kaagad nasakote sa follow-up operation ng Santa Rosa City police ang suspek na kinilalang si alyas "Juan," 23 anyos at residente ng Barangay Caingin ng lungsod na ito.
Nadakip ang suspek matapos siyang ireklamo ng isang alyas "Mark," 20 anyos at residente rin ng nasabing barangay.
Batay sa salaysay ni "Mark," nasa loob raw umano siya ng pinapasukang kolehiyo nang maisipan niyang tingnan sa kanyang cellphone ang livestream ng CCTV system ng kanilang bahay.
Laking gulat niya nang makita sa footage ng CCTV ang dalawang lalaki na pwersahang pumasok sa kanilang computer shop at tumangay ng hindi pa matukoy na halaga ng cash sa isa sa mga drawer nito.
Kaagad inireport ng biktima ang insidente sa mga awtoridad, na nagkasa naman ng follow-up operation hanggang sa mahuli si alyas "Juan" sa hideout nito sa Barangay Aplaya.
Sa gitna ng pagdakip sa suspek ay nasamsam mula sa kanya ang isang lighter at tatlong pirasong aluminum foil na may residue umano ng hinihinalang shabu.
Nakadetine na si "Juan" sa Santa Rosa City Police Station habang inihahanda ang mga kasong robbery at paglabag sa Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) laban sa kanya.
(Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

