AKAP sa ‘CoffeeVerse’
OpinYon Laguna

AKAP sa ‘CoffeeVerse’

Aug 18, 2026, 12:52 AM
Juliana Marie Dela Paz

Juliana Marie Dela Paz

Writer

Hindi lamang kape ang pinagsaluhan sa “CoffeeVerse” na ginanap noong August 3 hanggang 9 sa Southwoods Mall, Biñan City, Laguna.

Natunghayan sa nasabing pagtitipon ang mga success stories ng mga taong “namulat” sa tamis ng pausbong na coffee-shop sector ng lalawigan.


Kilalang coffee addict ang mga Pilipino. Kape ang nagpapagising sa atin at nagbibigay sa atin ng lakas upang malampasan ang mga pagsubok sa buhay.


Sa nakalipas na mga taon, kape rin ang nagiging social binder natin, at ang mga coffee shop ay nagiging puntahan ng mga taong ang gusto ay mag-relax, mag-unwind at makipagsosyalan.


Ito ang nais ngayong itampok ng mga local coffee shop sa Laguna, sa pangunguna ng AKAP Coffee Studio ng Pacita 1, San Pedro City, Laguna.


Para kina Caryl at King Mabato, ang mga may-ari ng nasabing coffee shop, naging pagkakataon ang CoffeeVerse upang maipakilala ang kanilang produkto at makilala rin ang iba pang lokal na coffee shop sa lalawigan na hindi ganun kadali mapuntahan.


Ayon kay King, mahalaga ang naturang pagtitipon dahil binigyan nito ng pagkakataon ang mga coffee enthusiasts na matuklasan ang mga café na maaaring mahirap puntahan, gayundin ang mga produktong alok nila.


Sa kanilang booth, tampok ang isang inuming pinaghalo ang concentrated mango syrup, rose syrup, espresso, at tonic water na kanilang tinawag o binigyang pangalan na Spicy Mango Espresso.


Binuo ito ng AKAP upang makamit ang balanse sa tamis at pait ng kape.


May dark chocolate profile ang kanilang espresso, habang ang rose syrup ay nagsisilbing panimbang sa tamis ng mangga.


Sa halip na gatas, tonic water ang ginamit upang magdagdag ng kakaibang lasa at soda-like experience.


Bukod sa paghahanda ng kape, binibigyang-halaga rin ng AKAP ang pinagmulan ng kanilang beans. Mula sa Vietnam at Bukidnon ang kanilang coffee beans.


Para sa kanila, isa itong paalala na ang kape ay hindi lamang tungkol sa beans, espresso, o recipe.


Ito ay tungkol sa mga taong nagtatanim, nagbebenta, nagro-roast, nagtitimpi ng tamis, naghahanap ng tamang balanse, at patuloy na lumilikha.


Sa bawat tasa ng AKAP, may kape mula sa ibang lugar, may kamay ng lokal na roaster, may ideya ng isang coffee shop owner, at may kwentong nabubuo sa isang komunidad


Sa paglipas ng mga taon, mula sa commercial coffee beans ay unti-unting nakilala ng AKAP ang mundo ng specialty coffee.


Bagama’t hindi nila pangunahing ginagamit ang “specialty coffee” bilang tatak ng kanilang café, ipinapakita nila ito sa masusing pagpili ng beans, pagbuo ng roast profile, at paglikha ng mga inuming may sariling karakter.


Sa CoffeeVerse, ipinakita ng AKAP Coffee Studio na ang bawat tasa ay maaaring maging daan upang makilala hindi lamang ang isang café, kundi pati ang mga taong, produkto, at kuwentong bumubuo sa lokal na coffee community ng Laguna.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.