Sa hirap ng buhay, kahit construction equipment ay pinapatulan na ng mga kawatan.
Ito ang mahigpit na babala ng mga awtoridad matapos isang air compressor ang tinangay ng hindi pa nakikilalang mga salarin sa Mabitac, Laguna nitong Lunes, January 27.
Ayon sa ulat ng Mabitac Municipal Police Station, personal na nagpunta sa kanilang presinto sina alyas "Carlo" at alyas "Arnold," mga trabahador sa isang construction site sa Barangay San Miguel ng nasabing bayan, upang iulat ang pagkawala ng air compressor na gamit ng kanilang kumpanya.
Sa salaysay ni "Arnold," siya umano ang naka-duty bilang bantay ng construction site noong gabi ng January 26.
Nakatulog umano sa pagbabantay si "Arnold" sa isang tricycle malapit sa construction site at nang paggising niya bandang alas-singko ng umaga ay dito na niya nadiskubreng wala na ang air compressor.
Ayon sa mga trabahador, isang Airman PDS390S air compressor na nagkakahalaga ng P850,000 ang unit na tinangay mula sa site.
Sinisiyasat na ng mga awtoridad ang kuha ng mga CCTV camera malapit sa construction site upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin.
(Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews