Walong lugar sa Calabarzon ang isinailalim na sa "election hotspots" ng Calabarzon Police Regional Office sa gitna na rin ng nagpapatuloy na pangangampanya ng mga lokal na kandidato para sa May 12 midterm elections.
Sa isinagawang pagpupulong ng Calabarzon Regional Peace and Order Council (RPOC) kamakailan, sinabi ng mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) na pitong lugar sa rehiyon ang isinailalim sa “yellow” election areas of concern dahil sa "suspected" na mga insidente ng election-related violence sa nakalipas na dalawang halalan.
Kabilang na rito ang mga bayan ng Santa Maria sa Laguna; Tanauan City, Mataasnakahoy, San Jose, at Taal sa Batangas; at mga bayan ng Candelaria at San Francisco sa Quezon.
Samantala, isinailalim naman sa "orange category" ang bayan ng Tagkawayan, Quezon bunga ng posibleng presensya ng mga communist terror groups (CTG) sa nasabing lugar.
Nasa "green category" naman ang nalalabing 128 na mga bayan at lungsod sa Calabarzon.
Ibig sabihin nito ay kahit na inaasahang magiging mainit ang tunggalian sa ilang mga lugar ay walang nakikitang posibilidad ng pagsiklab ng election-related violence sa nasabing mga lugar.
Ayon naman sa Commission on Elections (Comelec), aabot sa 197 na mga tauhan ng PNP sa rehiyon ang sinanay ng komisyon bilang "Special Electoral Board" na maaaring magsilbi sa mga lugar na may posibilidad ng election-related violence.
(Ulat mula sa Philippine Information Agency)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #COMELEC #PNP