Kasabay ng pagbabakasyon ng mga tao ngayong Semana Santa, lima ang kumpirmadong nasawi matapos malunod sa iba't ibang bahagi ng Calabarzon ayon sa ulat ng pulisya.
Sa bayan ng Tanza sa Cavite, isang dalagita ang binawian ng buhay matapos malunod habang nasa outing kasama ang pamilya sa isang beach resort sa Barangay Capipisa, bandang alas-10 ng gabi noong Linggo, April 5. Isinugod pa siya sa ospital ngunit hindi na naisalba ang kanyang buhay.
Sa Magdalena, Laguna, dalawang magkahiwalay na insidente ng pagkalunod ang naitala sa Balanac Dam.
Unang nalunod ang isang lalaki na kinilala sa alyas na “Jon” pasado alas-12 ng tanghali. Sinundan ito ng isa pang trahedya bandang ala-1:20 ng hapon, kung saan isang pitong-taong gulang na batang lalaki ang nasawi habang naliligo sa naturang dam kasama ang kanyang pamilya.
Samantala, sa lalawigan ng Batangas, isang 38-anyos na construction worker mula sa Silang, Cavite ang natagpuang wala nang buhay matapos umanong malunod sa karagatan ng Barangay Sambal Ibaba sa Lemery.
Ayon sa imbestigasyon, huling nakitang nakikipag-inuman ang biktima bago ito matagpuang palutang-lutang malapit sa isang bangka.
Sa parehong bayan ng Lemery, isa ring anim na taong gulang na batang babae ang nasawi matapos malunod sa swimming pool ng isang beach resort sa Barangay Nonong Casto dakong alas-3 ng hapon.
Base sa ulat, nadulas umano ang bata mula sa slide at napunta sa mas malalim na bahagi ng pool, kung saan hindi agad napansin ng kanyang mga kasama ang nangyari.
Patuloy namang pinaaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na mag-ingat sa paglangoy at tiyaking may sapat na pagbabantay, lalo na sa mga bata, upang maiwasan ang kahalintulad na trahedya ngayong panahon ng bakasyon.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

