3, patay sa saksakan sa Calamba
Death

3, patay sa saksakan sa Calamba

Jun 1, 2026, 2:46 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Tatlo ang naiulat na nasawi sa dalawang insidente ng pananaksak sa Calamba City, Laguna noong nakaraang linggo.

Sa Barangay Kay-Anlog, away sa utang ang tinitingnang motibo sa pananaksak sa isang 57-anyos na construction worker noong hapon ng May 25.




Dead on the spot ang biktima na kinilala lamang na si alyas “Dionisio,” matapos umano siyang pagtulungan ng dalawang suspek na kinilala lamang sa mga alyas na “Benedick,” 18 anyos; at “Bryan,” 46 anyos; pawang mga residente ng nasabing barangay.




Ayon sa ulat ng Calamba City Police Station, nagpunta umano si “Dionisio” sa tahanan ni “Bryan” upang singilin ang utang ng asawa nito sa kanya.




Nauwi umano sa mainitang pagtatalo ang alitan ng dalawang panig hanggang sa pinagtulungan siyang saksakin at paluin ng steel tube ng mga suspek.




Boluntaryo namang sumuko sa mga barangay tanod ang dalawang suspek na nahaharap ngayon sa kasong homicide.




Sa Barangay Parian naman, crime of passion ang tinitingnang anggulo sa pagkamatay ng isang mag-live in partner sa naturang barangay noong araw ding iyon.




Wala nang buhay nang madatnan sa kanilang nirerentahang apartment ang dalawa na kinilalang sina alyas “Armafe,” 21 anyos, ar “Patrick,” 26 anyos.




Parehong nagtamo ng saksak sa kanilang mga leeg ang biktima na nadiskubre ng kanilang mga kapitbahay.




Ayon sa salaysay ng ilang mga kapitbahay, madalas umanong mag-away ang dalawa at balak na umanong hiwalayan ni “Armafe” ang kanyang live-in partner bago ang naturang insidente.




Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing krimen.




(Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.