230 farmers’ cooperative, nabigyan ng tulong  photo from DA RFO 4-A
Agriculture

230 farmers’ cooperative, nabigyan ng tulong

Aug 20, 2021, 3:01 AM
Santiago Celario

Santiago Celario

Writer

Ang RCEF Mechanization Component ay isa sa mga programa sa ilalim ng RCEF na nakatuon sa pamamahagi ng mga makinarya sa pagpapalay upang mapababa ang production at labor cost at mapabilis ang produksyon ng palay.

Aabot sa 230 na mga kooperatiba ng mga magsasaka ng gulay sa Calabarzon ang nakinabang sa 999 na mga makinarya na ipinamahagi ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PHILMECH) mula Enero hanggang Hulyo ng kasalukuyang taon.

Katumbas ito ng P337 milyong halaga ng tulong na naipamahagi sa mga kooperatiba at samahan ng mga magsasaka, ayon sa Department of Agriculture (DA).

Kabilang sa mga makinang pansaka na ibinigay ng PHILMECH ay ang four-wheel tractor, hand tractor, floating tiller, precision seeder, walk-behind transplanter, riding type transplanter, reaper, combine harvester, at axial-flow thresher.

“Tinitiyak ng PHILMECH na de-kalidad ang mga makinaryang ibinigay. Dahil sa mga ito, magiging madali ang kanilang [mga magsasaka] operasyon,” pagtitiyak ni Niño Bengosa, PHilMECH Sr. Specialist at Luzon Cluster Head.

“Ang aming samahan ay lubos na nagpapasalamat sa PHILMECH. Malaking tulong po sa amin ang mga makina para mapabilis ang aming mga ginagawa sa bukid. Mas nakatipid po kami sa labor cost. At ‘yong natipid namin ay ginagamit namin sa ibang gastusin ng samahan,” pahayag naman ni Leoncia Cortazano, kalihim ng Calumpang Irrigators Farmers Association ng Liliw, Laguna.
“Nagpapasalamat kami sa PHILMECH dahil hindi nila kami pinababayaan. Patuloy ang pagpapa-training nila sa pag-o-operate at pag-aalaga sa mga makinang pinagkaloob sa amin,” dagdag pa ni Euglena Tiu, pangulo ng Samahan ng Organikong Magsasaka ng Pila (SOMAPI) sa Pila, Laguna.

Ang pondong ginamit sa pamamahagi ng mga makinang pansaka ay nanggaling sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) Mechanization Component.

Ang RCEF Mechanization Component ay isa sa mga programa sa ilalim ng RCEF na nakatuon sa pamamahagi ng mga makinarya sa pagpapalay upang mapababa ang production at labor cost at mapabilis ang produksyon ng palay.

Ang RCEF ay alinsunod sa Republic Act No. 11203 o “Rice Tariffication Law.”

Sa batas na ito, ang lahat ng mga bigas na nagmumula sa ibang bansa ay pinapatawan ng taripa. Sa taripa kinukuha ang pondong pambili ng mga interbensyon na ipinamimigay sa mga magpapalay gaya na lamang ng mga makinarya.

Katuwang ng PHILMECH ang DA-4A sa maayos na pagpapatupad ng RCEF Mechanization Component sa rehiyon.

Ang DA-4A ang nagsisilbing tagapamagitan at ang nakikipag-ugnayan sa mga kooperatiba at asosasyon tuwing isasagawa ang pamamahagi ng mga makinarya.

“Ang DA-4A ay kaagapay ng PHILMECH sa layuning pagaanin ang trabaho ng ating mga magsasaka. Makaaasa po kayo na magpapatuloy ang Kagawaran sa pagbibigay ng suporta sa mga proyekto at programang para sa ikauunlad ng agrikultura,” ani DA-4A Regional Executive Director Vilma M. Dimaculangan.

Tags: #DepartmentOfAgriculture, #PHILMECH, #RiceCompetitiveEnhancementFund


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.