Dalawang umano'y nagnakaw ng isang motorsiklo ang nadakip matapos mabisto ang pagbebenta nila ng naturang motorsiklo sa Cabuyao City nitong nakaraang Lunes, November 24.
Kinilala ng Cabuyao City Police Station ang mga suspek na sina alyas "Justine," 18 anyos at residente ng Biñan City, Laguna; at alyas "Jhayar," 19 anyos at residente ng Carmona City, Cavite.
Dinakip ang dalawang suspek sa isang follow-up operation na isinagawa ng mga awtoridad matapos silang ireklamo ng isang alyas "Joseph," residente ng Barangay Cupang, Muntinlupa City, na umano'y tinangayan nila ng motorsiklo bandang hatinggabi ng Lunes.
Ayon sa salaysay ni alyas “Joseph,” una niyang nadiskubre na nawawala ang kanyang motorsiklo matapos niya itong iparada sa harap ng isang commercial establishment sa Barangay Poblacion, San Pedro City, Laguna.
Matapos niyang ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang insidente ay nadiskubre niyang ibinebenta na ito ng mga suspek sa Cabuyao City.
Kaagad namang nagkasa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Cabuyao City Police Station, dahilan upang madakip ang mga ito sa Barangay Butong.
Narekober mula sa mga suspek ang tinangay na motorsiklo, habang sa pagsisiyasat sa CCTV footage sa pinangyarihan ng insidente ay nakumpirma rin na sila nga ang tumangay dito.
Nakakulong na sa Cabuyao City Police Station sina “Justine” at “Jhayar” na nahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act No. 10883 (New Anti-Carnapping Act of 2016).
(Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews
