Isang mag-asawang senior citizen ang nagpapagaling ngayon sa ospital matapos umanong pagsasaksakin ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa Biñan City, Laguna madaling-araw ng Huwebes, June 20.
Nasa ligtas nang kondisyon ang mga biktima na kinilalang sina Jaime Reyes, 76 anyos, at Jocelyn Reyes, 69 anyos, pawang residente ng Barangay Canlalay sa nasabing lungsod.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng Biñan City Police Station, pasado alas-singko ng umaga ng Huwebes nang mapansin umano ni Jaime Reyes na may kumakatok na tao sa kanilang tahanan sa loob ng isang tindahan ng halaman sa Barangay Canlalay.
Nang usisain niya ang mga kumakatok ay bigla umanong nagtangka ang dalawang suspek na pumasok sa loob ng bahay ng mag-asawa.
Parehong nanlaban ang mag-asawa sa mga suspek hanggang sa bumunot ng patalim ang isa sa mga suspek at pagtatagain sila.
Mabuti na lang at nakahingi agad ng tulong sa mga kapitbahay ang dalawa, dahilan upang tumakas ang mga suspek sa di pa malamang direksyon.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa pagkakakilanlan ng mga suspek at sa posibleng motibo sa krimen.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews