Nagmarka ng panibagong tagumpay ang lalawigan ng Quezon matapos mapabilang ang dalawang unibersidad sa lalawigan sa prestihiyosong Top 100 Philippine Universities para sa taong 2026, batay sa pinakabagong ranking ng Edurank na inilathala ng Philscholar.
Nakuha ng Manuel S. Enverga University Foundation (MSEUF) ang ika-54 na puwesto, habang Southern Luzon State University (SLSU) naman ang pumwesto sa ika-59 na ranggo, patunay ng patuloy na pag-angat ng kalidad ng edukasyon sa rehiyon.
Ang MSEUF na itinatag noong 1947 ay nananatiling nangungunang pribadong unibersidad sa Quezon, may pangunahing kampus sa Lucena at anim na satellite campus sa iba’t ibang bayan sa lalawigan.
Kilala ito sa mga dekalidad na programa tulad ng Criminology—na kinilala bilang CHED Center of Excellence sa CALABARZON—at Information Technology, CHED Center of Development sa Quezon.
Mataas din ang passing rate ng kanilang mga estudyante sa mga professional examinations at isa sa may pinakamaraming acredited programs sa Southern Tagalog.
Mula sa pagiging Southern Luzon Polytechnic College, naging ganap na state university ang SLSU noong 2007 at ngayon ay may pangunahing campus sa Lucban at walong satellite campuses sa Quezon.
Tampok ang mga programang nakatuon sa agriculture, engineering, education, at kabilang ang College of Medicine.
Mahigit 30 programs nito ang may acreditation ng AACCUP, at kinilala rin ang SLSU sa The World University Impact Rankings 2025 (801-1000 bracket), na nagpapakita ng world quality nito.
Ang pagkilala sa MSEUF at SLSU ay patunay ng patuloy na pagtaas ng antas ng edukasyon sa Quezon, nagbubukas ng mas maraming oportunidad para sa mga kabataan ng lalawigan at karatig-lugar.
Ang dalawang pamantasan ay patuloy na nagsisilbing haligi ng dekalidad na edukasyon para sa mga susunod na henerasyon ng mga propesyonal.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

