Ganap na batas ang dalawang panukalang isinulong ng ilang mga kinatawan sa lalawigan ng Laguna na naglalayong matulungan ang mga naapektuhan ng kalamidad.
Pinirmahan na noong nakaraang Biyernes, December 6, ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. ang Republic Act No. 12076, o ang Ligtas Pinoy Centers Act, gayundin ang Republic Act No. 12077, o ang Student Loan Payment Moratorium During Disasters and Emergencies Act.
Sa ilalim ng RA 12076, bibigyang-prayoridad ang pagtatayo ng mga permanent evacuation center sa iba't ibang bahagi ng bansa, partikular na sa mga disaster-prone area.
Ang nasabing mga permanent evacuation center ay may iba't ibang mga pasilidad gaya ng sleeping areas, health care stations, at sanitation facilities.
Inaasahan na sa nasabing batas ay matitigil na ang paggamit ng mga paaralan bilang evacuation center at magkakaroon ng isang ligtas na silungan ang mga Pilipino sa panahon ng bagyo o lindol.
Ang naturang batas ay co-authored nina San Pedro City Representative Ann Matibag; Biñan City Representative Len Alonte, Calamba City Representative Clarisse Anne Hernandez; 2nd District Representative Ruth Mariano-Hernandez; 3rd District Representative Loreto Amante; at 4th District Representative Jam Agarao.
Ang RA 12077 naman ay naglalayong magbigay ng tulong pinansyal sa mga estudyante at kanilang pamilya sa pamamagitan ng pansamantalang pagsuspinde ng pagbabayad sa student loans tuwing may sakuna o emergency, nang walang karagdagang multa o interes.
Ang nasabing batas naman ay co-authored nina Representatives Alonte, Agarao at Mariano-Hernandez.
Photo Courtesy: Ruth Mariano Hernandez FB Page
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews