Dalawang magnanakaw ang nasukol matapos maalerto ng anti-theft system ang kanilang biniktima sa Calauan, Laguna noong February 4.
Hindi na nakapalag ang suspek na kinilalang sina alyas "Willie" at "Evelin" matapos silang makorner ng may-ari at caretaker ng bahay na kanilang nilooban sa Barangay Balayhangin, Calauan, Laguna.
Batay sa salaysay ng biktima na hindi pinangalanan ng mga awtoridad, nanunuluyan siya sa kanyang bahay sa San Pablo City nang makatanggap siya ng alert mula sa CCTV system ng kanyang bahay sa Calauan sa kanyang smartphone.
Nang tingnan niya ang live feed ng CCTV ay doon niya naaktuhan ang dalawang suspek na nasa loob na pala ng kanyang bahay.
Kaagad nagtungo ang biktima, kasama ang kanyang caretaker, sa kanyang bahay sa Calauan at doon na nila nasukol ang dalawa na noo'y naghahalughog sa loob.
Nabawi mula sa mga suspek ang ilang mga alahas at drone equipment na may kabuuang halagang P230,000.
Kaagad dinala sa Calauan Municipal Police Station ang dalawang suspek na nahaharap ngayon sa kasong theft.
(Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

