Nadakip ng mga tauhan ng San Pablo City Police Station ang dalawang holdaper na sangkot umano sa panloloob sa isang grocery sa nasabing lungsod nitong nakaraang Huwebes, January 9.
Sa ulat ni P/Lt. Col. Franco Alex Reglos, pinuno ng San Pablo City Police Station, nadakip ang mga suspek sa isang follow-up operation sa katabing-bayan ng Rizal.
Batay sa paunang imbestigasyon, pinasok ng dalawang suspek ang isang grocery store sa Barangay Santo Angel umaga ng Huwebes.
Gumamit umano ng isang pellet gun ang mga suspek upang takutin ang mga empleyado nito.
Tinangay ang mga suspek ang kita ng grocery na aabot sa P9,000 sabay tumakas sakay ng isang motorsiklo papunta sa direksyon ng bayan ng Rizal.
Positibo namang nakilala ng mga biktima ang mga suspek batay sa kuha ng mga CCTV camera malapit sa nasabing establisyimento.
Nakipag-ugnayan naman kaagad ang mga tauhan ng San Pablo City police sa mga awtoridad sa bayan ng Rizal, dahilan upang mahuli ang mga suspek na may balak na rin palang mangholdap sa naturang bayan.
Narekober mula sa mga suspek na hindi pinangalanan ng mga awtoridad ang ginamit na pellet gun, kutsilyo at bahagi ng perang ninakaw.
Kasalukuyang nakadetine sa San Pablo Component City Police Station ang dalawang suspek na nahaharap sa kasong robbery.
Ulat mula sa San Pablo City Police Station
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #Crimes