Dalawang insidente ng holdapan ang naitala sa mga grocery store sa lalawigan ng Laguna nitong nakaraang Linggo, July 5.
Sa bayan ng Santa Cruz, aabot sa P82,232 na halaga ng cash ang tinangay ng mga suspek mula sa mga empleyado ng isang mini-mart sa Barangay San Juan dakong 11:10 ng gabi ng Linggo.
Sa salaysay ng officer-in-charge ng nasabing minimart, bigla na lamang pumasok sa loob ng grocery ang dalawang suspek at tinutukan ng baril ang mga empleyado.
May ilang minuto naman ang nakalilipas ay isa pang branch ng naturang grocery sa Barangay Tranca sa bayan ng Bay ang nilooban ng dalawa ring suspek bandang 11:38 ng gabi.
Sa salaysay ng mga empleyado, magsasara na sila ng grocery nang pumasok ang mga suspek at tinutukan rin sila ng baril.
Pwersahan umanong pinabuksan ng mga suspek ang vault ng tindahan at tinangay ang humigit-kumulang P250,000 na halaga ng cash.
Matapos nito ay tumakas ang mga suspek papunta sa direksyon ng Barangay Bitin sakay ng isang motorsiklo.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing mga insidente.
Hindi naman inaalis ang posibilidad na iisang grupo ang nasa likod ng nasabing mga insidente ng panloloob.
(Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

