17, naospital dahil sa gas leak
Safety

17, naospital dahil sa gas leak

Aug 28, 2024, 5:50 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Bakit marami pa ring mga "backyard industry" sa Cabuyao City ang hindi man lamang natitingnan ng mga awtoridad kung ligtas ang operasyon?

Ito ang katanungan ng mga residente ng Barangay Banaybanay sa naturang lungsod matapos ang pagtagas ng umano'y chlorine gas sa isang junk shop sa naturang lugar nitong Martes, August 20.

Sa ulat ng Cabuyao City Police Station, umabot sa 17 katao ang isinugod sa ospital matapos dumaing ng pagkahilo at hirap sa paghinga dahil sa tumagas na kemikal.

Ayon sa supervisor ng junk shop na kinilalang si Ramon Villareal, nagsasagawa ang mga tauhan ng naturang junk shop ng general cleaning nang biglang may tumagas na kemikal mula sa isang metal container na inililipat nila.

Kaagad umanong kumalat ang isang masamang amoy, dahilan upang lumikas ang mga trabahante sa naturang lugar.

Batay naman sa pagsisiyasat ng Bureau of Fire Protection (BFP), posibleng isang "chlorine-based" na kemikal ang laman ng metal container na may habang apat na talampakan.

Wala namang residente na naiulat na nadamay sa naturang insidente.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa kung paano tumagas ang naturang kemikal at kung bakit inimbak ito sa junk shop.

#WeTakeAStand #OpinYonNews #GasLeak #BFP


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.