Aabot sa 1,225 indibidwal ang naaresto ng mga awtoridad sa magkakasunod na operasyon laban sa mga lumalabag sa iba’t ibang lokal na ordinansa sa Calabarzon region.
Ito ay kasunod ng direktiba ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na paigtingin ang pagpapatupad ng mga batas tulad ng curfew, pagbabawal sa pag-inom ng alak sa lansangan, pag-iwas sa pagtambay sa dis-oras ng gabi, at pagsunod sa tamang pananamit sa pampublikong lugar.
Pinangunahan ng Philippine National Police sa Calabarzon, sa ilalim ng pamumuno ni Hansel M. Marantan, ang implementasyon ng programang “Safer Cities” katuwang ang mga lokal na pamahalaan.
Noong Abril 8, 2026, inilunsad ang pinaigting na operasyon sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon na nagresulta sa pagkakaaresto ng mahigit isang libong violators.
Sa kabuuang bilang, 469 ang mga menor de edad na nahuling lumabag sa curfew, habang 159 ang pinatawan ng multa at 30 ang naharap sa kaukulang kaso.
Mayroon ding nahuli dahil sa paglabag sa videoke ordinance, hindi angkop na pananamit sa publiko, at iba pang ipinagbabawal na gawain.
Ayon kay Marantan, mahalaga ang matibay na ugnayan ng pulisya, lokal na pamahalaan, at komunidad upang maging epektibo ang kampanya para sa mas ligtas na mga lungsod.
Aniya, ang pakikiisa ng mamamayan ay susi upang tuluyang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa rehiyon.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

