Ang “langgonisa” ni Nanay Milagros Laguador ay isa na ngayong simbolo ng bayan ng Lucban, Quezon dahil sa kakaiba nitong lasa at aroma na siya namang dinarayo ng mga taga-ibang bayan.
Kapag nababanggit ang bayan ng Lucban, Quezon, una agad pumapasok sa isip ng mga tao ay “langgonisang Lucban,” na isa din sa mga paborito nating almusal.
Ang “langgonisang Lucban” (na siyang taguri ng mga Lucbanin sa kanilang produkto, upang maipagkaiba sa ibang uri ng longganisa sa Pilipinas) ay hindi matamis, kundi maraming bawang.
Ayon sa local historian na si Jojo Rañeses, ang kusinerong si Mang Juan Suarez ang nagturo sa paggagawa nito.
Natutunan niya ito noong isama siyang pumunta sa Mexico.
Isa na dito ang pamilya ni Nanay Milagros Laguador na mula noong 1970 ay nagbebenta na ng langgonisa.
Nang pumanaw si Nanay Milagros noong Enero 2012 ay ipinasa niya ito sa kanyang mga apo na sina Nikkie Laguador-Maniago, Errol Laguador at ang kanilang bunsong kapatid na si Gabriel.
"Namatay yung papa ko 2013, siya yung anak mismo ni Lola Milagros, kaya nanay ko dati namamahala. Kaso, nasa U.S. siya, kaya kami na munang magkakapatid ang nagpapatakbo. Lagi ko kasa-kasama lola ko mula bata pa ako kaya nung nawala siya,alam ko na yung mga diskarte niya, lalo na sa recipe ng langgonisa,” kuwento ni Errol sa OpinYon Quezonin.
Sa paggawa nito ay kabilang sa sangkap ang oregano na nagbibigay ng aroma, titimplahan ng maraming bawang, at iba pang pampalasa.
Ngunit imbes na bituka ng baboy ang kanilang ginamit gaya ng ibang uri ng longganisa, gumagamit sila ng collagen casing.
"Yun kasi ang approved ng FDA talaga, dumaan sa tamang process ang paggawa ng casing. Edible siya at gawa sa mga animal products, usually hides or skin, bones and tendons since those have the highest amount of naturally occuring collagen. Sa katunayan ang casing namin ay may certification din ng halal. Unlike naman sa bituka ng baboy, minsan may reject kasi may butas butas at mahirap din ang supply, limited lang,” ayon naman kay Nikkie.
Sinauna pa ding proseso ang ginagamit nila sa paggawa ng Langgonisa, gamit ang burukal at tamang sukat ng langgonisa na kabisado na ng kanilang mga manggagawa.
Ayon sa Laguador's Langgonisa, sa bawat 20 kilo ng giniling na karne ay isang kilo ng bawang ang kanilang ginagamit, kaya naman binabalik-balikan ang lasa ng kanilang produkto.
"May sarili kaming piggery dito mismo sa Lucban, kung ano yung kinatay namin yun yung ginagamit namin sa paggawa ng longganisa; at ang ginagawa namin ay 70 porsiyento ang laman, 30 porsiyento ay taba. Hindi din kami gumagamit ng inahin na baboy,” ani Errol.
Wala pa mang pandemya noon dinarayo na ang bayan ng Lucban ng mga taga-ibang bayan, at kapag natikman daw ang longganisa ay paniguradong hindi makakalimutan ang lasa at aroma nito.
"Nagdagdag lang kami ng spicy chicken longgonisa para sa mga hindi kumakain ng pork at ito ay na saamin namang version o sa aming henerasyon,” dagdag ni Errol.
Kapag bagong gawa ang isang langgonisa tumatagal lang ito ng maghapon, kumpara kapag ang Langgonisa ay nakalagay sa palamigan ay tumatagal ito ng isang buwan o higit pa.
"Ako naman sa management ng piggery, kasi nagkakarne ako sa umaga at sumisilip sa longganisahan. After nung gawa ko dun. Around mga 11:00 ng umaga pupunta naman ako sa farm para magcheck ng mga baboy. Meron naman ako katiwala dun. Sinasabi ko lang sa kanila kung ano ang gagawin, kung may sakit ang baboy at ano ang dapat ipainom,” kuwento naman ni Gabriel.
Ngayong tayo ay patuloy pa din nahaharap sa pandemyang ito, lalo na sa pagtaas ng mga bilihin, isa na ang karne sa malaki ang itinaas na presyo.
Ayon naman sa asawa ni Errol na si Alexa, "Bago pa man magmahal ang presyo ng karne, pero pandemic na nun, ang ginawa namin, nag online selling kami, same size ng langgonisa pero malaki din ang itinaas per dozen pero thankful kami sa mga loyal customers namin. "
Kasabay ng pandemya, nagkaroon din ng problema sa ASF, ang sakit na nagmula sa baboy.
"Noong pumutok ang balita tungkol saASF, ang ginawa naming strategy ng pagbebenta kaya kampante ang mga customer namin bumili, dahil nga may sarili kaming babuyan at sinisiguro naming safe at walang ASF o sakit yung baboy na gagamitin,” dagdag pa niya.
Ngunit kahit malaki ang itinaas ng presyo ng kanilang produkto dahilan sa pandaigdigang krisis na ito patuloy itong tinatangkilik ng masa, isa na dito ang sikat na artista na si Zsa Zsa Padilla na suki nila, pati na rin sina Janice De Belen, Wendell Ramos at iba pa.
Ang naiwang alaala ni Nanay Milagros ay nananatili sa panlasa ng mga Lukbanin mula noon hanggang ngayon.
Tags: #OpinYonQuezonin, #LucbanQuezon, #food, #nativeproducts, #langgonisangLucban