Time travel
Community News

'Time travel,' hatid ng Biñan YPC para sa Halloween

Nov 3, 2026, 3:42 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Hindi lamang makapanindig-balahibong takutan ang inihatid ng Biñan Youth Performance Council (YPC) nitong nakaraang Halloween season.

Nabigyan rin kasi ng pagkakataon ang mga Biñanense, lalo na ang mga "Generation Z," upang masilayan ang isang makulay na bahagi ng kasaysayan ng lungsod.


Ito ang ika-siyam na pagkakataon na ibinahagi ng YPC ang kanilang angking galing at talento sa interactive theatre, kung saan hindi lang mapapanood kundi mararanasan ng publiko ang mga hiwaga sa likod ng kwento.


Para sa kanilang "YPC's Interactive Theatre Halloween Performance" ngayong taon, dinala ng Biñan YPC ang mga bisita sa Cine Ligaya, ang kauna-unahang sinehan sa Biñan.


Dating matatagpuan sa tabi ng Historic Alberto Mansion, unang binuksan ang Cine Ligaya noong December 25, 1920.


Sa una ay ipinalabas dito ang mga "silent movie," o mga pelikula kung saan walang maririnig na anumang usapan o musiko.


Noong panahong iyon, tumutugtog sa kalye ang banda ng musiko bilang hudyat ng pagsisimula ng palabas sa Cine Ligaya.


Isa ang Cine Ligaya sa maraming standalone theater na umusbong sa Biñan, kabilang na ang Midtown, Biñan, AC, Vygys, Zenith at Victory.


Ngunit sa pag-usbong ng mga mall sa lungsod, kabilang na ang Olivarez Plaza, Morales Plaza, at Pavilion Mall, gayundin ang pagsulpot ng iba't ibang teknolohiya gaya ng Betamax, VCD, at online streaming, unti-unting lumamlam ang kinang ng mga sinehan sa Biñan hanggang sa isa-isa silang nagsarahan.


"Subalit sa Cine Ligaya, may isang palabas na hindi kailanman nagtapos," bungad ng YPC sa kanilang social media page.


Ang mga kwento sa likod ng Cine Ligaya ang naging focus ng "YPC's Interactive Theatre Halloween Performance" na idinaos sa Alberto Mansion mula October 24 hanggang November 2.


(OpinYon News Team)



#opinYonLaguna #BinanLaguna


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.