Posibleng mapaikli sa humigit-kumulang isang oras ang biyahe mula Sto. Tomas, Batangas hanggang Lucena City, Quezon sa sandaling makumpleto ang South Luzon Expressway Toll Road 4 (SLEX TR4), isang 66.74-kilometrong expressway na pinangungunahan ng San Miguel Corporation (SMC).
Tinatayang ₱58.42 bilyon ang halaga ng proyekto batay sa naunang project brief ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Hahatiin ang expressway sa anim na construction package na may kabuoang habang 66.74 kilometro:
- Package A: Sto. Tomas, Batangas hanggang Makban, Laguna — 11.32 kilometro.
- Package B: Makban hanggang San Pablo City, Laguna — 12.75 kilometro.
- Package C: San Pablo City, Laguna hanggang Tiaong, Quezon — 7.5 kilometro.
- Package D: Tiaong hanggang Candelaria, Quezon — 15 kilometro.
- Package E: Candelaria hanggang Tayabas City, Quezon — 10.21 kilometro.
- Package F: Tayabas City hanggang Barangay Mayao, Lucena City, Quezon — 9.96 kilometro.
Magkakaroon din ng pitong pangunahing interchange sa Sto. Tomas, Makban, San Pablo, Tiaong, Candelaria, Tayabas at Lucena upang mapadali ang pagpasok at paglabas ng mga motorista sa expressway.
Ayon sa update ng Department of Transportation (DOTr), target buksan ang Packages A, B at C bago matapos ang taong ito.
Kapag nakumpleto, inaasahang mababawasan mula apat na oras tungong humigit-kumulang isang oras ang biyahe sa pagitan ng Sto. Tomas at Lucena.
Inaasahan ding mapabibilis nito ang transportasyon ng mga produkto at pasahero at mapalalakas ang koneksiyon ng Batangas, Laguna at Quezon.
(Anna Gob)

