San Pablo Bypass Road, nananatiling nakatengga?
DPWH

San Pablo Bypass Road, nananatiling nakatengga?

Jun 15, 2026, 5:47 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Gaano pa katagal ang hihintayin bago matapos ang proyektong magpapagaan sana sa problemang transportasyon sa San Pablo City, Laguna?

Ito ang malaking katanungan ng lokal na pamahalaan at mga residente sa naturang lungsod dahil sa tila napakabagal na usad ng Alaminos-San Pablo City Bypass Road.


Ang proyektong sinimulan pa noong 2021 ay nananatili pa rin kasing hindi tapos dulot ng isang natatanging rason.

Ayon kay San Pablo City Mayor Najie Gapangada Jr., nalaman niya mula sa mga kawani ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na isyu pagdating sa right-of-way ang dahilan kung bakit naantala ang konstruksyon ng nasabing bypass road.


Naubusan aniya ang ahensya ng pondo upang mabili ang mga natitirang right-of-way properties.


Tinatayang aabot sa halos isang kilometro ang hindi pa rin sementado sa kahabaan ng Alaminos-San Pablo City Bypass Road.


Labis tuloy ang pagkahinayang ng lokal na pamahalaan at mga residente sa patuloy na pagkaudlot ng konstruksyon nito.


Kung sakali, makatutulong sana ito para maibsan ang mabigat na trapik na nararanasan sa sentro ng lungsod.


Higit na mapakikinabangan ito ng mga motorista papunta at pauwi ng Quezon Province at Bicol Region.


Sa isinagawang inspection noong Martes, June 9, personal na pinuntahan ng alkalde ang Alaminos-San Pablo City Bypass Road upang alamin ang problema dito.


Bilang tugon sa problemang right-of-way, inihayag ni Gapangada na tutulong ang lokal na pamahalaan pagdating sa mga natitirang property sa lugar.


“Nag-allocate po kami ng P10.7 milyon pambili ng 30 parsela ng lupang maliliit para po mailusot na po dito ang daan.”


Nanawagan na rin siya kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. para mapansin ang matagal na nilang iniindang suliranin.


“Baka naman po pwede kalampagin niyo ang DPWH o kung sino man po involved kung bakit po ito ay nagtatagal nang ganito.”


Higit na ipinagtataka niya rin kasi kung bakit inuuna pa ng ahensya ang paglagay ng aspalto sa paligid ng bypass road imbis na asikasuhin ang problema sa right-of-way.


“Ang ginastos po ng ating pamahalaan dito ay bilyon na sa project na ito eh hindi pa po nadadaanan eh. Sa halip po na ayusin ang pag-aasikaso ng right of way at malusutan na ito ng daan ng mga taga-Bicol, Quezon ay inuuna po ay pag-aaspalto ng kalsada.”


Noong nakaraang paggunita ng Undas ay pansamantalang inaspalto ang ilang bahagi ng nasabing bypass road upang magamit ng mga motoristang uuwi sa kani-kanilang mga probinsya.


Ang tanong ngayon: aabutin na naman kaya ng isa pang Undas, Pasko o Bagong Taon bago tuluyang matapos ang daang ito?

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #DPWH


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.