Matagumpay na naidaos ang pinakahuling miting nina Executive Secretary Recto at Ambassador Jing Quan ng China sa Office of the Executive Secretary sa Malacanang Palace noong Abril 14.
Ang dalawang opisyal ay nagpalitan ng pananaw tungkol sa mahahalagang isyu sa kasalukuyan, tulad ng South China Sea, kooperasyon sa pagpapatupad ng batas, relasyong pang-ekonomiya at kalakalan, at ang people-to-people exchanges.
Naging bahagi rin ng diskusyon nina Recto at Jing ang kasalukuyang sitwasyon ng enerhiya sa rehiyong Asia-Pacific, at ang kaugnayan nito sa nadaranasang paghihigpit sa sektor ng enerhiya dahil sa digmaan sa Middle East.
Bukod pa sa pangkabuuang relasyong pang-ekonomiya, binigyang diin sa kanilang miting ang tungkol sa turismo. Matatandaang ang mga Chinese ang pinakamaraming turista sa Pilipinas bago pa man ang Covid 19 pandemic.
Ayon kay Herman Tiu Laurel ng Asian Century Philippines Strategic Studies (ACPh) dumoble na ang tourist arrivals natin mula sa China para sa unang tatlong buwan ng 2026, at papataas pa rin ang bilang nito.
Totoong malaki na ang tulong ng e-visa program sa Pilipinas at ang pagbubukas muli ng direct flights sa Cebu and Quanzhou. Ang Xiamen Air ang lumilipad sa rutang ito mula noong Marso 29 via Mactan-Cebu International Airport. Nais ni Jing na buksan pa ang direct flights patungong Bohol at Boracay, mga destinasyon na popular sa Chinese.
Bukod dito, ayon naman kay Daniel Long, ay magbubukas ng apat na direct flights mula Manila at Chongqin simula sa Mayo 1.
Samantala, nauna rito ay nakipagpulong naman si Ambassador Jing kay Acting Secretary Frederick Vidal ng Department of Justice (DOJ) noong Abril 13.
Ang magkabilang panig ay nagkaroon ng malalim na diskusyon tungkol sa bilateral law enforcement and judicial cooperation.
Ang embahador ng China ay nag-ulat na simula noong 2023, ang China at Pilipinas ay nagtagumpay sa pagsugpo sa transnational crime. Dahil sa pagtutulungan ng dalawang bansa, may 102 malalaking fugitives ang nahuli at may 2,461 na suspects sa sugal at fraud-related crimes ay naibalik na sa China.
Sinabi ni Jing na noong Disyembre, 2025, isang kilalang kriminal na pinaghahanap para sa maramihang kidnapping at murder cases sa Pilipinas ang nahuli at naibalik na sa China para managot sa kanyang mga krimen. Ito ay si Shi Chunfang.
Simula ng taong ito, may 9 namang kriminal ang nahuli at 46 na suspects ang napabalik sa China.
Umaasa si Ambassador Jing ng higit pang pag-iibayuhin ng dalawang bansa ang kooperasyon upang labanan ang lahat ng uri ng krimen.
#OpinYon #ViewFromCalumpang #China #RalphRecto #JingQuan

