Rail safety, isinusulong sa Laguna
Community News

Rail safety, isinusulong sa Laguna

Nov 23, 2026, 5:43 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Kapag may naririnig nang busina ng tren, tutuloy ka pa bang tumawid sa riles?

Ilan lamang ito sa mga tinalakay sa ikatlong Railway Safety Summit na ginanap sa San Pablo City, Laguna nitong nakaraang Martes, November 17.


Ang nasabing summit ay pinangunahan ng Philippine National Railways (PNR), katuwang ang pamahalaang lokal ng San Pablo City gayundin ang mga kinatawan ng mga barangay, paaralan, at iba pang ahensya.


Ayon sa PNR, hangad ng nasabing summit na talakayin ang mahahalagang usapin hinggil sa railway safety, gayundin ang responsibilidad ng bawat sektor sa pagpapanatili ng kaligtasan sa mga lugar na dinaraanan ng tren.


Sa Southern Luzon, mayroon pa ring limitadong biyahe ang PNR sa mga lalawigan ng Laguna at Quezon matapos isara ang Metro South Commuter Line hanggang Calamba City, Laguna noong 2024.


Sa linya ng PNR mula Calamba City papuntang Lucena City, Quezon ay hindi pa rin naiiwasan ang mga pasaway na tumatawid nang basta-basta sa mga riles ng tren, gayundin ang mga nakatira o mga nakatambay sa gilid mismo ng riles.


Tampok sa summit ang tatlong pangunahing adhikain na Ligtas, Pantay, at Panatag, na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng isang ligtas, maayos, at komportableng paglalakbay para sa lahat ng pasahero.


Ayon kay PNR General Manager Deovanni Miranda, nananatiling pangunahing prayoridad ng ahensya ang kaligtasan ng publiko, kung kaya’t nais nilang maipabatid sa mga mamamayan ang mga programa at inisyatiba ng PNR upang mapalawak ang kanilang kaalaman at kamalayan sa railway safety at mahikayat silang makiisa sa pagpapanatili ng ligtas na byahe ng mga tren.


Sa naturang pagtitipon, binigyang-diin ng PNR na ang pagpapanatili ng kaligtasan sa mga riles ay hindi lamang solong pananagutan nito, kundi isang kolektibong responsibilidad na nangangailangan ng aktibong pakikiisa ng lokal na pamahalaan at ng buong komunidad.


Kabilang ang nasabing summit sa mga programang isinusulong ngayon ng PNR upang ma-promote ang railway safety sa mga lugar na patuloy nitong sineserbisyuhan.


Nitong nakaraang November 14 ay nagkaroon rin ng "Quiz Along D' Riles" competition ang PNR sa San Pablo City, na naglalayong mahikayat ang mga kabataan na matuto at maging ehemplo ng pagpapanatili ng kaligtasan ng publiko sa mga riles ng tren.


(OpinYon News Team)



#OpinyonLaguna


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.