Pagpapabakuna sa A4 category workers sa Sta. Rosa City, mas pinaigting photo from PIA Laguna
COVID-19

Pagpapabakuna sa A4 category workers sa Sta. Rosa City, mas pinaigting

Sep 1, 2021, 6:35 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Naglaan na ang lokal na pamahalaan ng Sta. Rosa City, Laguna ng bakuna mula sa alokasyon ng pamahalaang nasyunal at dadagdagan rin ng mga biniling bakuna para sa A4 category o mga essential worker.

Mas pinaigting pa ng pamahalaang lungsod ng Sta. Rosa, Laguna at Laguna Technopark Association Inc. ang pagtutulungan nito upang mabigyang prayoridad ang pagbabakuna sa lahat ng manggagawa ng pinakamalaking industrial complex sa lungsod.

Nitong nakaraang Agosto 28 ay pormal na lumagda sa kasunduan ang pamahalaang lungsod ng Sta. Rosa sa pangunguna ni Mayor Arlene Arcillas at LTAI para sa pagtatalaga ng vaccination site sa loob ng technopark para sa pagbabakuna sa mga empleyadong kabilang sa A4 priority group.

Ayon kay Arcillas, mahalaga na magkaroon ng sariling vaccination site ang Technopark upang mas mapabilis ang pagbabakuna sa A4 category o essential workers sa lungsod.

Naglaan rin aniya ang lokal na pamahalaan ng bakuna mula sa alokasyon ng pamahalaang nasyunal at dadagdagan rin ng mga biniling bakuna para sa naturang sektor.

Ang Sta. Rosa City ang isa sa mga pinakamalaking sentro ng industriya sa lalawigan ng Laguna kung saan nakabase ang iba’t ibang manufacturing at processing firms.

Ayon sa pinakahuling tala ng pamahalaang lungsod, aabot sa 100,000 na mga Lagunense ang nagtatrabaho sa mga industrial complexes sa lungsod.

Naging matinding hamon sa naturang mga sektor ang pandemya ng Covid-19 dahil naapektuhan ang sektor ng manufacturing hindi lamang ng mga paglilimita sa galaw ng mga residente kundi pati na rin sa pagkalat ng naturang virus sa ilang pabrika sa lalawigan.

Matatandaang sinimulan ang pagbabakuna sa mga manggagawa mula sa Ayala Corporation, San Miguel Corporation, TAP, TMP, Mitsubishi at iba pang kompanya noong buwan ng Hunyo.

(Ulat mula sa PIA)

Tags: #OpinYonLaguna, #StaRosaCity, #Covid19vaccine, #LagunaTechnopark, #essentialworkers


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.