Paa sa Lupa
Provincial News

Paa sa Lupa

Ang tahimik na kwento ng Nagcarlan Underground Cemetery

Sep 21, 2026, 2:57 AM
Juliana Marie Dela Paz

Juliana Marie Dela Paz

Writer

Sa isang tahimik na bahagi ng Nagcarlan, Laguna, matatagpuan ang isang lugar na tila ordinaryong sementeryo sa unang tingin.

Ngunit sa ilalim ng lupa nito ay nakatago ang mga kuwentong bahagi ng makulay at masalimuot na kasaysayan ng Pilipinas.


Ito ang Nagcarlan Underground Cemetery, isang natatanging pook na hindi lamang nagsisilbing pahingahan ng mga yumao, kundi isa ring saksi sa mga pangyayaring humubog sa bansa.


Kakaiba ito sa mga pangkaraniwang sementeryo dahil sa ilalim ng kapilya matatagpuan ang mismong himlayan nito.


Ngunit higit pa sa pagiging kakaiba ng istruktura, mahalaga ang Nagcarlan Underground Cemetery dahil sa koneksyon nito sa kasaysayan ng pakikibaka para sa kalayaan.


Noong panahon ng Himagsikang Pilipino, sinasabing gamit ang lugar bilang tagpuan ng mga rebolusyonaryo. Dito nagkaroon ng mga lihim na pagpupulong ang ilang kasapi ng Katipunan, kabilang sina Andres Bonifacio at iba pang personalidad na kaugnay sa kilusang rebolusyonaryo.


Sa paglipas ng panahon, maaaring nagbago ang paligid ng Nagcarlan, ngunit nananatili ang sementeryo bilang paalala ng nakaraan.


Ang mga lumang pader at istruktura nito ay hindi lamang mga bagay na dapat tingnan; nagsisilbi silang pisikal na alaala ng mga taong nauna sa atin. Mahalaga rin ang papel ng komunidad sa pagpapanatili ng ganitong uri ng pamanang pangkultura.


(Juliana Marie Dela Paz)



#OpinYonLaguna #LagunaNews


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.