Nais ba ninyong maka-experience na mag-boating nang hindi na dadayo pa sa malayo?
Puwes, eto na ang pasyalan para sa inyo!
Pormal nang binuksan sa publiko ang Lakeside District sa Nuvali, Santa Rosa City, Laguna nitong nakaraang Huwebes, November 12.
Nakiisa ang pamahalaang lungsod ng Santa Rosa sa pangunguna ni Mayor Arlene Arcillas ang muling pagbubukas ng Lakeside District, kasama ang mga opisyal ng Ayala Land.
Isa ang Nuvali Lakeside sa mga tanyag na landmarks sa Nuvali, na nakilala dahil sa boat rides at iba pang mga outdoor activities na nagpatanyag sa Nuvali bilang isang "eco-center."
Ilang buwan ring isinara sa publiko ang naturang pasyalan upang mabigyan ng pagkakataon na mapatibay ang "ecological health" nito, gayundin ay makapagdagdag ng mga pasilidad na tiyak na kaaaliwan ng publiko.
Kabilang sa mga bagong atraksyong ito ay ang Pangea: Earth's Living Legacy, na binuksan noong November 13.
Ayon sa Nuvali, ito ang kauna-unahang "prehistoric attraction" sa Pilipinas na naglalayong hikayatin ang mga bisita na madiskubre ang buhay ng sinaunang mundo.
Kabilang sa mga aktibidad na pwedeng gawin dito ay ang hands-on na paghuhukay ng mga fossil o tumigas na labi ng mga sinaunang hayop; interactive science labs; at pakikisalamuha sa mga replica ng mga higanteng dinosaur na nabuhay sa mundo libu-libong taon na ang nakalilipas.
Ngayong muling nagbukas na ang Lakeside Distrit, isa na namang "green space" ang aasahan ng mga Lagunense kung saan maaari silang makapasyal, makasama ang pamilya at makaranas ng "inner healing" sa piling ng kalikasan.
(OpinYon News Team)

