Laguna
SA GITNA ng mga hamon na idinulot ng COVID-19 pandemic, muling ipinagdiwang ng San Pedro, Laguna ang ika-pitong taon nito bilang isang maunlad na lungsod.
Mismong si San Pedro City Mayor Lourdes “Baby” Cataquiz at ang kanyang asawa at “Ama ng Lungsod” na si Calixto Cataquiz ang nanguna sa isang simple ngunit makabuluhang pagdiriwang ng pagkakatatag ng lungsod ng San Pedro noong Disyembre 29, 2020.
Ang San Pedro ay idineklarang lungsod noong Disyembre 29, 2013, matapos pagtibayin ng mga mamamayan ng San Pedro sa isang plebisito ang Republic Act 10420 na pinirmahan ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III noong Marso 27, 2013.
Ang San Pedro City ang isa sa mga pinakamataong lungsod sa lalawigan ng Laguna na may kabuuang populasyon na 325,809, batay sa sensus na ginawa noong 2015.
Mula ‘Sampaguita Capital’ Hanggang Sa ‘Dormitory’ City
Matagal na nakilala ang San Pedro bilang “Sampaguita Capital of the Philippines” dahil sa industriya ng pagtatanim at paggawa ng mga kwintas mula sa pambansang bulaklak ng Pilipinas.
Sa nakalipas na mga taon, itinuring na ring “Dormitory City” ang lungsod dahil sa ito ang napiling tirahan ng maraming mga nagtatatrabaho sa katimugang Metro Manila at kalapit na lungsod.
Mga Palatuntunang Inihanda
Nagsimula ang pagdiriwang ng ika-7 anibersaryo ng cityhood ng San Pedro sa isang motorcade na nilahukan ng iba’t ibang kawanihan ng lungsod sa mga pangunahing lansangan ng San Pedro.
Kasabay nito, isang simpleng programa ang idinaos sa San Pedro City Hall kung saan nagpahayag ng kani-kanilang mga saloobin sa pitong taon ng pagiging lungsod ang iba’t ibang department heads sa pangunguna ni City Administrator Filemon Sibulo.
Roadmap 2030
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Sibulo ang mga napagtagumpayan ng lungsod sa ilalim ng “San Pedro Roadmap 2020” na inilatag ni dating City Mayor at “Ama ng Lungsod” na si Calixto Cataquiz.
“There are so many things that we should be grateful for. Napakaraming nakita [na pagbabago] sa San Pedro, dahilan na rin siguro ng paglago ng income ng lungsod ng San Pedro noong tayo’y naging lungsod,” ani Sibulo.
“At ito pong revenue na ito, ginastos sa physical redevelopment ng ating city.”
Kabilang aniya sa mga programang inilatag ng pamahalaang lungsod sa pitong taon mula nang ito’y maging lungsod ang pagkakatayo ng bagong City Hall, pagdaragdag ng mga ospital at health center, at pagbubukas ng maraming economic opportunities sa lungsod.
Nagpahiwatig din si Sibulo ng pagbabalangkas ng “Roadmap 2030” na siyang magiging gabay ng pamahalaang lungsod ng San Pedro tungo sa tuluy-tuloy na pag-unlad ng lungsod sa susunod na dekada.
Pagbabalik-Tanaw
Sa kanya namang talumpati, nagbalik-tanaw si City Mayor Lourdes “Baby” Cataquiz sa maraming taon na ginugol niya at ng kanyang asawa upang maiangat ang kalagayan ng mga taga-lungsod.
“Noong una po akong nanungkulan noong 2013, masasabi ko po na those were trying times dahil we became a city, pero ang budget natin ay para lamang isang municipality,” paliwanag ng alkalde.
“Napakaliit po na badyet [ang inabot natin] para sa pagiging siyudad, kung saan marami kang dapat gawing programa.”
Ngunit sa loob ng pitong taon na naging lungsod ang San Pedro, binigyang-diin ni Mayor Baby na marami ring pangakong inilatag ng lungsod sa ilalim ng Roadmap 2020 ang nabigyang-katuparan – dahilan ng tema ng ikapitong anibersaryo ng pagkakatatag ng lungsod ng San Pedro na “Natutupad na mga Pangako”.
“Sa ngayon ay masasabi ko na naging mahigpit po ako, naging masipag at makulit saa lahat ng mga dapat gawin kasi sabi ko nga po, we cannot afford na umulit. Hindi po kami pwede na ang aming mga gagawin ay hindi matino – dapat, ‘matino at mahusay’ dahil ayaw na po nating ulitin.”
Pahayag ng ‘Ama ng Lungsod’
Samantala, binigyang-diin naman ni dating City Mayor at “Ama ng Lungsod” na si Calixto “Calex” Cataquiz na higit sa kakayanang mangarap, ay kailangan ng isang punong lungsod na tuparin ang mga pangarap para sa kanyang mga nasasakupan.
“Libre nga ang mangarap, ngunit kailangang isaisip, isapuso at gawin ito. Iyon ang importante- yung ‘passion’ sa paglilingkod,” anang dating alkalde.
Sinabi rin ni Cataquiz na kailangan ang pagkakaisa at pakikipagtulungan ng lahat ng sektor ng lipunan upang matupad ang mga adhikain ng “San Pedro Roadmap 2020,” lalo na sa gitna ng “new normal” ngayong panahon ng pandemya.
“Mga minamahal kong kababayan, sana’y ito’y maging bahagi ng ating kasaysayan – na itong aming sinimulan noon, ipinagpapatuloy ngayon, sana’y maipagpatuloy pa ng susunod na liderato,” dagdag pa niya. (James Veloso/Kasama ang ulat mula sa San Pedro City Public Affairs and Information Office)
PARTNER SA PAGLILINGKOD. Pinangunahan ng mag-asawang City Mayor Lourdes “Baby” Cataquiz (kaliwa) at dating city mayor at “Ama ng Lungsod” na si Calixto “Calex” Cataquiz ang pagdiriwang ng ikapitong anibersaryo ng pagiging lungsod ng San Pedro, Laguna sa isang simpleng programang idinaos sa San Pedro City Hall noong ika-29 ng Disyembre, 2020. (Larawan mula sa San Pedro Tourism, Culture and Arts Office)
MOTORCADE. Bilang pagmamalaki at paggunita na ang San Pedro ay pitong taon nang lungsod, isang motorcade ang idinaos ng iba’t ibang mga departamento ng lungsod noong ika-29 ng Disyembre. (Larawan mula sa San Pedro Tourism, Culture and Arts Office)