Hinay-hinay lang sa tsibugan at laklakan ngayong holiday season.
Ito ang mahigpit na paalala ng Department of Health (DOH) sa publiko, kasabay ng mga party at handaan na naging tradisyon na ng mga Pilipino tuwing sasapit ang Pasko at Bagong Taon.
Sa ginanap na Ligtas Christmas Hospital Preparedness and Response Rounds kamakailan, inihayag ni Health Secretary Dr. Ted Herbosa na handa na ang mga pampubliko at pribadong ospital sa bansa sa pagbabantay ng mga sakit na may kaugnayan sa "Holiday Heart Syndrome."
Ang Holiday Heart Syndrome ay isang kondisyon dulot ng labis na pag-inom ng alak, stress, kakulangan sa pahinga at pagkain ng maalat o matataba na nagpapataas sa presyon.
Maaari itong humantong sa arrhythmia o abnormal na heart rhythm na isa sa sanhi ng stroke.
Ayon sa pinakahuling tala ng Philippine Heart Center (PHC), umabot sa humigit-kumulang 60 ang kaso ng stroke mula Hulyo hanggang Nobyembre 2024 na tinutukan ng ospital, habang may naitalang pitong kaso ng stroke bago pa man mag-Pasko, mula December 1 hanggang 20, 2024.
Dagdag pa ng PHC, noong Disyembre 2023 umabot sa 38 ang kaso ng stroke sa ospital na tumaas sa 42 pagdating ng Enero 2024. Ito ang pinakamataas na bilang ng stroke na naitala ng ospital sa buong taon.
Tumaas rin ang naitalang mga kaso ng Acute Coronary Heart Syndrome sa PHC na umabot sa 115 kaso nitong nakaraang Enero, kumpara sa 110 kaso na naitala noong Disyembre 2023.
Maaari pang tumaas ang bilang ng mga kaso ng stroke matapos ang Pasko at pagsalubong sa Bagong Taon kung hindi mapipigilan ang labis na pag-inom ng alak at pagkain mula sa sunud-sunod na handaan, ayon pa sa ahensya.
"Kami ay nagpapaalala na iwasan ang sobra-sobrang pagkain ng mga maaalat, matataba at matatamis na pagkain ngayong holiday season. Damihan ang pagkain ng gulay at prutas na dapat ay kalahati ng inyong Pinggang Pinoy. Humanap po tayo ng oras na mag-ehersisyo,” pahayag ni Herbosa.
(OpinYon News Team)
#Health #OpinyOnLaguna #WeTakeAStand #OpinYonCares