Marami nang nakakapansin sa tila pagbaba ng kalidad ng mga documentary series sa Pilipinas sa nakalipas na mga taon.
Sa halip kasi na ipakita ang tunay na kalagayan ng Pilipinas ay tila nagiging "clickbait" na ang mga ito at ang mga tinatalakay ay ang mga "viral" na happenings sa social media.
Pero para sa pamilya at kababayan ng kilalang mang-uukit ng Paete, Laguna na si Pio Fadul, tila "below the belt" na ang ginawang segment ng palabas na "Kapuso Mo, Jessica Soho" (KMJS) tungkol sa kanyang obra maestra.
Sa Halloween special kasi ng KMJS nitong nakaraang November 1 na pinamagatang "Gabi ng Lagim," ikinuwento kung papaanong ang isang obra umano ni Fadul ay pinagmulan ng "sumpa" at katatakutan para sa isang pamilyang nakatanggap nito.
Kaagad na pumalag hindi lamang ang mga kaanak ni Fadul kundi pati na rin ang mga opisyal ng Paete, na kilala dahil sa woodcarving industry nito.
Resolusyon
Noong November 3 ay nagpasa na ng resolusyon ang Sangguniang Bayan ng Paete na humihiling ng paliwanag sa mga producer at staff ng KMJS ukol sa nasabing segment.
Ayon sa nasabing resolusyon, tila mas binigyang-diin pa ng naturang segment ang "takot at kababalaghan sa halip na sa husay, kasaysayan at artistikong halaga ng kanyang mga likha."
Bagama't nilinaw naman anila ng palabas na walang kinalaman si Fadul sa umano'y pagkaka-possess ng kahoy na ginamit sa nasabing obra, "nanatili ang mapanligaw na impresyon na ang mga likha ni Fadul ay may kaugnayan sa sumpa at kapahamakan, na maaaring makasira sa kanyang reputasyon bilang isang alagad ng sining."
Nangangamba tuloy ang mga woodcarver at ang LGU na maaaring masira rin ang malaon nang pinag-ingatang reputasyon ng Paete bilang sentro ng woodcarving industry sa Pilipinas, na isa pa naman sa mga pangunahing nagbibigay ng kabuhayan sa nasabing bayan.
Samantala, maraming mga kababayan at netizen ang nagbigay ng suporta kay Fadul at iginiit na wala sa kanyang mga obra o sa anumang mga obra ng mga mang-uukit ng Paete ang umano'y "pwersa ng kadiliman."
"The extraordinary talent of our Paete woodcarvers is not a product of evil. It is a gift, a craft, and a heritage shaped by generations of skill, creativity and faith," pahayag ng taga-Paete na si Andrew Cagayat Guariña sa kanyang Facebook page.
Tugon
Sa isa namang post sa social media noong November 4, iginiit ng staff ng palabas na wala itong intensyon na lagyan ng malisyosong konteksto ang mga obra ni Fadul.
Sinabi nilang iginagalang ng palabas ang husay at sining ni Fadul at ng mga mang-uukit ng Paete.
Ibinahagi rin nila na kinuhanan ng panig si mismong Fadul, gayundin ang Paete Historical and Cultural Heritage Foundation Inc., ukol sa umano'y obra niya na nagdulot ng takot sa isang pamilyang naregaluhan nito matapos umano silang makaranas ng pagpaparamdam ng mga masasamang espiritu.
"Nagbigay-diin [ang Paete Historical and Cultural Heritage Foundation] na ang pag-uukit ay bahagi ng kabuhayan at pananampalataya ng kanilang bayan at hindi ito dapat katakutan. Nililinaw namin na ang ulat ay tungkol sa mga karanasang iniugnay sa isang partikular na ukit at hindi dapat maging batayan upang iugnay sa masasamang elemento ang iba pang likha ni Fadul o ang Ukit Paete sa pangkalahatan," anila.
"Nakipag-ugnayan na rin kami sa pamilya Fadul upang talakayin ang kanilang mga alalahanin, at humihingi kami ng paumanhin sa kanila at sa mga taga-Paete sa pagkabahala na naidulot ng ulat."
(OpinYon News Team)
PHOTO LABEL:
Ang mang-uukit na si Pio Fadul ng Paete, Laguna. (Larawan mula sa Fadul’s Ukitan/Facebook.com)
#OpinYonLaguna #PaeteLaguna

