Sa kabataan dapat nagsisimula ang pagpapayabong ng kultura at talento.
Ito ang naging mensahe ng Biñan City Culture, History, Arts and Tourism Office (BCHATO) kasabay ng pagdaraos nito ng libreng art workshop para sa mga kabataang Biñanense noong Sabado, November 7.
Ang nasabing aktibidad ay bahagi ng pagdiriwang ng lungsod ng Biñan ng National Children's Month.
Nilahukan ito ng mga batang edad 7 hanggang 15 taong gulang na nagnanais malinang ang kanilang kakayahan sa pagguhit at pagpipinta.
Kabilang sa mga naging volunteer teachers sa naturang aktibidad sina Jem Garcia at Michael Zarate (Jem at Matias Art), mga local artist ng lungsod na kamakailan ay nabigyan ng pagkakataon na maitampok ang kanilang mga obra sa Sentrong Pangkultura ng Biñan.
Ayon sa pamahalaang lungsod ng Biñan, ang nasabing aktibidad ang naging unang sesyon ng pitong-bahaging pagsasanay na naglalayong bumuo ng isang opisyal na visual arts club bilang suporta ni Mayor Gel Alonte sa mga batang artistang Biñanense.
Susundan pa aniya ito ng mga karagdagang sesyon upang higit na malinang ang kanilang talento at kasanayan sa larangan ng visual arts.
(OpinYon News Team)
#OpinYonLaguna #BinanLaguna

