Crime of passion ang tinitingnang anggulo ng pulisya sa pamamaril sa isang lalaki sa loob ng isang subdivision sa Calamba City, Laguna noong Linggo, April 12.
Pumanaw habang ginagamot sa ospital ang biktima na kinilala lamang sa alyas "William" matapos magtamo ng tama ng bala sa katawan.
Sa salaysay ng saksi na kinilala lamang sa alyas na "Maria," dati niya umanong live-in partner ang biktima ngunit naghiwalay sila ilang linggo na ang nakalilipas.
Noong April 12 ay nagpunta si "William" sa tahanan ni "Maria" sa Barangay Punta, kung saan bumibisita noon ang suspek na kinilala lamang sa alyas na "Marvin."
Sinundan umano ni "Maria" ang biktima at tinangka pang pigilan ito, ngunit nagpumilit siyang pumasok sa loob ng bahay.
Sakto namang nakita ni "Marvin" si "William" na pumapasok sa loob at walang anu-ano'y pinagbabaril ito gamit ang hindi pa malamang kalibre ng baril.
Pinaghahanap na ng mga awtoridad si alyas "Marvin" na kaagad tumakas matapos ang insidente.
#OpinYonLaguna #CalambaCity

