Matagal nang suliranin para sa mga motoristang dumadaan sa National Highway (o kilala rin bilang Manila South Road) sa San Pablo City, Laguna ang baku-bakong kalagayan ng kalsada sa ilang bahagi ng nasabing daanan.
Isa ito sa mga dahilan kung bakit laging nagbabagal ang daloy ng trapiko sa nasabing lungsod, lalo na tuwing rush hours.
Ngayon, umaasa ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na mas mapapabilis na ang biyahe ng mga sasakyan matapos ang rehabilitation works na isinagawa sa ilang parte ng National Highway sa San Pablo City.
Sa isang press release, sinabi ni DPWH Secretary Manuel Bonoan na natapos na ang pagsasaayos sa 1.164-kilometrong bahagi ng National Highway sakop ang mga barangay ng San Roque, V-A, at San Rafael.
Kabilang sa mga repair works na isinagawa sa naturang bahagi ng kalsada ay ang resurfacing ng daan, pagsasaayos sa drainage system upang mabawasan ang tsansa ng pagbaha, at paglalagay ng reflectorized thermoplastic pavement markings upang madaling makita ng mga motorista ang daanan tuwing gabi.
“The rehabilitated Manila South Road passing Poblacion Road is expected to facilitate safer and more efficient transportation for residents of San Pablo City and travellers across Laguna Province and nearby municipalities,” ayon naman kay DPWH Region 4A Director Jovel Mendoza.
Umabot sa P60 milyon ang ginastos ng DPWH sa pagsasaayos sa naturang bahagi ng National Highway, na siyang pangunahing daanan ng mga sasakyang papuntang Southern Luzon at Bicol.
#OpinYon #LagunaNews #DPWH #SanPablo