Mas mabilis, mas accurate at mas sustainable na paghahanda sa mga sakuna.
Ito ngayon ang aasahan ng mga San Pedrense sa pakikipag-partner ng pamahalaang lungsod ng San Pedro, Laguna sa isang climate technology firm para sa bagong equipment na makakatulong sa disaster preparedness programs ng lungsod.
Pumirma kamakailan sa isang memorandum of understanding (MOU) si San Pedro City Mayor Art Mercado at si Gnr. Arvin Gastardo, Chief Operating Officer ng Klimatech Innovative Solutions, Inc.
Sa ilalim ng partnership na ito, ilalagay sa San Pedro City Hall ang Salba Tower Project, isang makabagong teknolohiya na makatutulong sa atin sa weather monitoring, disaster preparedness, at paggamit ng clean energy.
Ang Salba Tower ay isang "dual-purpose" device na nilikha ng Klimatech na maaaring makapagbigay ng mas accurate na data sa lagay ng panahon, gamit ang artificial intelligence (AI).
Bukod dito, nagsisilbi rin itong isang renewable energy source na maaaring magbigay ng alternatibong pagkukunan ng kuryente, lalo na sa mga panahong napuputol ang linya ng kuryente kapag may bagyo.
"Mas maayos na weather data para mas mabilis tayong makapagdesisyon at makakilos kapag may banta ng kalamidad. Mas malinis na enerhiya para suportahan ang ating mga operasyon. At higit sa lahat, pagkakataon na matuto at gumamit ng mga bagong teknolohiyang maaaring makatulong sa ating lungsod," ani Mercado.
(OpinYon News Team)
#OpinYonLaguna #LagunaNews

