PINANGUNAHAN kamakailan ni Laguna Governor Ramil Hernandez ang pagpapasinaya sa Panandang Pangkasaysayan (Historical Marker) at Pag-aalay ng Bulaklak sa Heneral Paciano Rizal Park sa Barangay Bagumbayan, Sta. Cruz, Laguna.
Ang nasabing okasyon ay bahagi ng pagdiriwang ng ika-450 taong pagkakatatag ng lalawigan ng Laguna, na naganap noong ika-28 ng Hulyo 1571.
Natatangi sa kauna-unahang pagkakataon ang okasyong ito dahil ang nasabing pananda ay pinagtibay ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) sa katauhan ni Executive Director Restituto L. Aguilar.
Pinagtibay ang gawaing ito sa pamamagitan ng paglagda ng isang Memorandum of Agreement sa pagitan ng Laguna Provincial Police Office at NHCP, kung saan nakasaad na kabilang na sa mga historical markers sa bansa ang pananda sa Hen. Paciano Rizal Park, at magsisilbi din itong pasyalan at pahingahan sa mga nagtutungo sa kampo.
Kinilala at nagpapasalamat si Gob. Hernandez sa pamunuan sa hanay ng kapulisan sa pangunguna ni CALABARZON Police Regional Director P/BGEN Eliseo Cruz, Laguna Provincial Director P/COL Serafin Petalio II, Command Group, at staff offices nito.
Gayun din sa pakikiisa ni Mayor Edgar San Luis at sa iba pang kasamahan sa paglilingkuran upang maging posible ang pagsasagawa ng programang ito. (Ulat mula sa Laguna PIO)

